Bakit ‘di masaya ang ‘power jumpers’

SA MARAMING lugar  sa bansa, partikular sa squatter  areas sa Metro Manila, ang  power  theft  (pagnanakaw sa kuryente)  ay lantaran.

Pero bakit tayo pang mga kliyente ng Electric Power Corporation (Meralco) ang tila nababahala sa kaliwa’t kanang nakawan ng kuryente?

Dahil, kahit pa naghambalang ang ‘power jumpers’ sa mga bahay-bahay, hindi naman  naaapektuhan ang kita ng  Meralco.

Marahil ‘di nalalaman ng mga nagbabayad na consumers na sila ang nagbabayad sa mga nakukunsumong ‘nakaw’ na kuryente.

Ito yung tinatawag na ‘systems loss’ na nakalagay sa itemized na bayarin natin sa ipinadadalang ‘monthly bill’ sa atin ng mga power company.

Ang ‘di masugpo-sugpong ‘power theft’ ang dahilan kung bakit tayo’y nagtataka sa sobrang  taas na bayarin sa kuryente.

Sa buong mundo, ang Pilipinas yata ang naniningil ng pinakamataas na presyo ng kuryenteng ibinebenta sa mamamayan.

Kamakailan ay inanunsyo ng Meralco ang tungkol sa balak na paggamit ng pre-paid card bilang tugon sa ‘power theft’.

High-tech, kumbaga ang balak na ito ng Meralco. Para magkaroon ng kuryente sa bahay, kailangan mong bumili ng pre-paid card.

Sa madali’t sabi, wala nang ipadadalang monthly bill sa mga bahay-bahay. Ang siste eh, bayad muna bago makagamit ng kuryente.

Parang cell phone na kapag walang presyo o halaga na ikakarga mula sa biniling pre-paid card, ay ‘di ka makate-text o makatatawag.

Ibig bang sabihin ng Meralco, eh, ‘di na puwede ang  ‘power jumpers’ dahil high-tech na ang pagkakaroon ng kuryente sa bahay?

Kung sakaling magtagumpay ang balak na ito ng Meralco, dapat sigurong tularan ng Maynilad at Manila Water and Sewerage System.

Dahil ‘di lang sa kuryente mataas ang bayarin kundi pati bayarin sa inumin at ginagamit na tubig  ay napakamahal na rin.

At hindi lang sa kuryente may ‘jumpers, ganundin at lalong malala ang ginagawang pagdya-jumper sa mga tubo ng tubig.

Sa panukalang  paggamit  ng power pre-paid card ng Meralco, sana nga eh, mawala na ang mga nakawan sa kuryente. Bong Padua

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply