Bakuna laban sa tigdas hinahanda na ng DOH

NAGBABALA ang Department of Health (DOH) hinggil sa sakit na tigdas na karaniwang mataas ang kaso tuwing panahon ng tag-init.

Kasabay nito, pinaalalahanan pa ng DOH ang mga magulang na tiyaking mababakunahan ang kanilang mga bagong silang na sanggol upang makaiwas sa sakit.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, naaalarma sila dahil sa measles outbreak sa iba’t ibang lugar sa bansa, kaya’t plano nilang bakunahan ang may 18 milyong kabataan laban sa tigdas at German measles o “rubella.”

Sisimulan umano ang door-to-door immunization campaign na tinawag na “Iligtas sa Tigdas ang Pinas” sa mga batang nagkaka-edad ng siyam na buwan hanggang walong taong gulang sa Abril 4.

Inaasahang isang buwang magbabahay-bahay ang mga sinanay na health worker upang bakunahan ang mga paslit.

Nabatid na ang bakunang ibibigay sa mga bata ay ang measles-rubella (MR) vaccine o kumbinasyon ng proteksiyon laban sa tigdas at German measles.

Ayon sa World Health Organization (WHO) ligtas at epektibo ang nasabing gamot, bukod pa sa mura dahil nagkakahalaga lamang ito ng P67.

Aabot sa P600 milyon ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa naturang “special campaign” na ang layunin ay mabakunahan ang lahat ng eligible children upang mabawasan ang transmission at infection ng sakit, at mapalakas ang immunity ng mga bata laban sa virus, ayon sa kalihim.

Base sa datos ng DOH, tumaas ang kumpirmadong kaso ng tigdas sa bansa mula 453 noong 2007 at umabot ng 1,418 noong taong 2010.

Mahigit sa 70 porsiyento umano ng naturang kaso ay mga bata na hindi nabakunahan laban sa tigdas.

Noong taong 2009 naman umano nang simulan ng DOH ang surveillance nila sa German measles at nakumpirma ang 1,654 kaso ng sakit, na karamihan ay mga batang nagkakaedad ng siyam taong gulang pababa.

Sa nakalipas na dalawang taon naman, 66 bata na ang naitalang namatay dahil sa tigdas, na nakakahawa, ngunit madali namang maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.

May mga ulat na rin ng measles outbreaks sa Nueva Ecija, Bulacan at Zamboanga del Norte noong 2010 at hanggang nitong Pebrero 19, 2011, lumilitaw umano na 1,308 confirmed cases na ang naitala rin sa may 20 lalawigan, kabilang ang Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Nueva Ecija, Zambales, Batangas, Quezon, Camarines Sur, Capiz, Iloilo, Southern Leyte, Samar, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Davao Sur, Davao del Norte, Davao Oriental, South Cotabato, Agusan Norte at maging sa Metro Manila.

“The DOH is alarmed that despite available services, children still get infected and die from a preventable disease like measles,” ani Ona.

Umapela rin si Ona sa mga lokal na pamahalaan na suportahan ang kanilang kampaniya na alinsunod sa Universal Health Care agenda ni Pangulong Simeon Benigno Aquino III. Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply