Balasubas sa BI staff sa DMIA

ISA ito sa mga dahilan kung bakit maraming OFWs natin ang galit sa mga tauhan ng Bureau of Immigration.  Dahilan din ito upang magkaroon ng agarang sibakan sa nasabing ahensiya, isama na natin si BI officer-in-charge Ronaldo Ledesma.

Base ito sa complaint letter na ipinadala sa pamamagitan ng e-mail ng OFW na si Darlene Joy Herrera, anak ng kaibigan kong si Leo Herrera na halos dalawang dekada ko ring nakasama sa isang pahayagan at ngayo’y isa sa mga antigong staff ni Senator Bong Revilla.

Nabatid na lehitimong empleyado si Darlene Joy bilang isang sales coordinator ng isang malaking kumpanya sa Abu Dhabi, UAE at umuwi lang nitong nakaraang Pebrero para sa isang buwang bakasyon upang makapiling at pasayahin ang kanyang ina. Kabilang na nga sa sorpresa ni Darlene Joy sa kanyang ina ay ang apat na araw nilang bakasyon sa Hong Kong na itinakda nitong nakaraang Pebrero 24.

Ayon sa kuwento ni Darlene Joy, bandang ala-6 ng umaga nang dumating silang mag-ina nung araw na ‘yon sa Diosdado Macapagal International Airport sa Clark Field, Pampanga. Pagsapit sa immigration counter ay ipinakita niya agad ang kanyang passport at working visa na naka-attach pa sa pasaporte.

Nguni’t laking pagtataka ni Arlene nang pinapasok siya sa BI office sa DMIA, pinag-fill up ng isang dokumento at saka hinarap ng isang babaeng immigration officer na nakatago ang nameplate at ID sa suot nitong jacket.

Anang OFW, don na siya sinimulang imbestigahan ng babaeng immigration officer na tila ba may ginawa siyang iligal o nilabag na batas.

Pilit ding hinahanap ng immigration officer sa OFW ang kopya ng Overseas Employment Certificate (OEC) nito dahil hindi daw siya puwedeng umalis kung hindi niya dala ang nasabing dokumento. Pero katuwiran ng OFW, patungo siya at ang kanyang ina sa HK para mamasyal at hindi upang bumalik sa Abu Dhabi dahil siya’y bakasyon pa!

Walang-kibong pinirmahan ng damuhong immigration officer ang dokumentong sinulatan ni Darlene Joy at saka sinabing forfeited na ang kanyang plane ticket.

Sa lito ay naghanap ng ibang immigration officer si Darlene Joy at natiyempuhan niya ang isang nagngangalang Joseph Abel Santiago na tumangging pakitunguhan siya dahil labag daw sa kanila ang makipag-usap kanino man.

Tinawagan ni Darlene Joy ang amang si Leo pero bigo naman itong makausap si Santiago kahit nagmula pa ang tawag sa opisina ng isang senador.

Napilitang hanapin ng OFW ang immigration supervisor daw na si Jeffrey Pinpin at ipinaliwanag niya sa bisor na paalis siya patungong HK bilang turista. At upang maniwala ay ipinakita pa ng OFW ang voucher mula sa isang travel agency sa Maynila na nagsasaad ng tour itinerary nilang mag-ina sa HK.

Pero di pa natatapos ang pagpapaliwanag ni Darlene Joy sa nasabing bisor ay biglang dumating ang babaeng immigration officer at galit na sinabi na hindi daw siya dapat nagtatanong ng kung sinu-sinong mga tao na nasa kasamahan nila.

Nagbanta din ang naturang immigration officer na ipalalagay ang pangalan ng kawawang OFW sa watchlist ng lahat ng airport sa bansa upang hindi na ito tuluyang makabalik pa sa Abu Dhabi para mag-trabaho.

Para maniwalang totoo ang banta ay pina-photo copy pa ng nasabing immigration officer ang pasaporte ni Darlene Joy.

At dahil tuluyan nang naiwanan ang mag-ina ng kanilang flight pa-HK, minabuti ng OFW na tumuloy sa kalapit na tanggapan ng POEA sa Clarkfield. Doon lang niya nadiskubre na kuwestiyunable pala at wala sa katinuan ang ginawa laban sa kanya ng babaeng immigration officer.

Maliwanag na walang karapatan ang naturang immigration officer na inspeksiyunin ang OEC ng nasabing OFW dahil hindi naman ito pabalik sa kanyang trabaho sa UAE kundi nais lang nitong pumasyal sa HK kasama ang ina bilang mga turista.

At sa payo na rin ng kanilang travel agency, bumalik ang mag-ina sa Maynila at muling bumili ng ticket. Gabi na nang tuluyang makaalis ang dalawa papuntang HK.

Sa NAIA Terminal 3 sila dumaan kung saan nakita daw nila na mukhang may katinuan ang mga immigration officers!

Naalala ko tuloy na minsan nang naglabasan sa Facebook at Twitter ang sangkaterbang reklamo ng mga OFWs natin laban sa mga immigration officers sa  NAIA at DMIA hinggil sa ginagawang pang-mamaltrato, pang-aabuso, at panggigipit

ng mga ito sa kanila sa tuwing sila ay paalis ng ating bansa. Dito ko rin nadiskubre ‘yung tinatawag nilang “SUPPORTING PESOS” na kailangang ilabas kapag idineklarang kulang ka sa papeles na tanging sila (immigration officers) lang ang nakakaalam.

Mukhang hindi kontrolado ni Ledesma ang mga tao niya. Iisa lang ang ibig sabihin kapag ganun: wala kang kuwentang pinuno!

Siyanga pala, ang complaint letter na aking natanggap sa e-mail ay orihinal na naka-address kay Sen. Revilla mismo. Paktay kayo ngayon!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!- Boyet Munar

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply