Bangayan sa gag order rule sa impeachment sumiklab

HINDI pa man nagsisimula ang paglilitis sa Articles of Impeachment na isinampa laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez, nagsimula nang magbangayan ang dalawang pangunahing opisyal ng Senado sa ipatutupad na rules ng Impeachment Court.

Nitong Martes, nagpahayag nang matinding pagtutol si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa panukala ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na magkaroon ng gag order bilang bahagi ng Rules, sa lahat ng senator-judge na magbibigay ng komento sa kaso.

Layunin ng panukala, na maitaguyod ang impartiality ng bawat senador dahil nakakalikha ng maling pananaw sa isipan ng publiko na nagkakaroon ng pagkiling ang partikular na mamabatas pabor o salungat kay Gutierrez.

Ngunit, ayon kay Cayetano, karapatan ng mamamayan na malaman ang nangyayari, mangyayari at puwedeng mangyari sa impeachment trial laban kay Gutierrez dahil sila mismo ang maapektuhan kung anuman ang magiging dedisyon ng Senado bilang impeachment court.

Ayon pa kay Sotto, isa sa pangunahing pagbabago sa Rules na gagamitin ng Impeachment Court sa paglilitis ng pinatatalsik na opisyal ng gobyerno ang pagkakaroon ng gag order rule sa lahat ng senator-judge upang maiwasan ang hinala ng taumbayan na nagkakaroon ng hokus-pokus sa paglilitis.

Aniya, mas kailangan magkaroon ng gag order din sa mga saksi na itatakda ng Senado katulad ng ginamit na alituntunin sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Elpidio Quirino noon at ilan mula sa Rules na ginamit sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada.

“Lalo na (witness). Everyone directly involves in the trial, there will be a rule that is among the new rules o isa sa rule na bago dun sa ire-readopt na rules from the Quirino impeachment and the Erap impeachment, of course Quirino impeachment did not push through but they prepared,” ani Sotto.

Ipinaliwanag pa ni Sotto na kailangan ang bagong rule upang maitaguyod ang impartiality at maiwasan na makapaghatid ng maling senyales ang interview sa publiko at mabura ang pagdududa sa integridad ng senator-judge na dumidinig sa kaso.

Nakatakda rin umanong maghain si Sotto ng isang probisyon sa Rules na patawan ng kaukulang parusa ang sinumang senator-judge na lalabag sa naturang alituntunin.  Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply