Bar passers sa tuwid na daan o liko-liko?

NAGPIPIYESTA ang mga pumasa sa abogasya sa kabila ng pambobomba ng ilang loko-loko sa kanilang eksaminasyon sa La Salle University  noong nakaraang taon.

Siyempre pa, nakikiisa tayo sa kanilang pagsasaya at nakikilungkot naman tayo sa mga hindi pumasa.

Pero alam ba ninyo, Suki, ang ating naalaala sa gitna ng kanilang pagsasaya?

Ang malaking tapyas ng pagtitiwala ni Juan sa mga abogado ngayon.

Nadadamay na rin dito siyempre ang mga bagong abogado.

oOo

Bakit pinagdududahan ang mga abogado ngayon?

Kauna-unahan na dahilan diyan ang pagsirko-sirko mismo ng Korte Suprema sa kaso ng maraming munisipyo na nagnanais na maging lungsod.

Ilang beses bang sinabi ng mga hari at reyna ng mga abogado na pupuwedeng maging lungsod ang mga munisipyo at ilang beses rin ba nilang sinabi na hindi?

Mahirap ba para kay Juan na isiping ignorante rin pala sa batas ang mga mahistrado o kaya’y mahina ang kukote ng mga ito?

Ikalawa, ang mga abogado ang istar sa mga pagtatakipan at bulgaran sa mga nakaw na yaman, hindi lang ng mga militar kundi ng mga pinuno ng mga korap.

Kung sino ang mamamayani sa mga ito sa mga labanan sa Ombudsman at Sandiganbayan at sa impeachment sa Senado at Kamara ay walang nakaaalam.

Paano kung mamamayani dahil sa higit na pagkawais ang mga diyaskeng protektor ng mga korap, huh?

oOo

Kaya nga, hindi marahil masama na isingit sa pagsasaya ng mga bagong abogado kung makaraan silang manumpa bilang ganap na abogado ay matanong sila kung pagtitiwalaan pa ba sila ni Juan.

At sa takbo ng problema sa korapsyon at pandarambong, saan ba sila lalakad: sa tuwid o liko-likong daan? Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply