Batangas-PNP, gasgas sa jueteng nina Peping Gatdula at Jun Lagos

HINDI natin alam kung ano ang nasa ulo nitong sina Peping Gatdula at Jun Lagos, ang magka-sosyong pinansyer ng bookies ng STL-jueteng sa mga bayan ng Lian, Nasugbu at Calaca sa lalawigan ng Batangas.

Malimit kasi nilang ipagyabang na kontrolado nila ang mga mayor, mga hepe ng pulisya ng nasabing mga bayan at maging si Senior Superintendent Alberto Supapo, ang director mismo ng Batangas-PNP, kung kaya’t walang tigil ang jueteng nila sa tatlong bayang nabanggit.

He, he, he! Mukhang tama ang tip sa akin. Na sumobra na ang hangin sa ulo  ng dalawang ito magmula nang kumita ng malaki mula sa kanilang pa-jueteng.

Si Peping daw ang ABC president din ng bayan ng Calaca kung kaya’t nagagamit niya ang kanyang impluwensiya upang huwag na lang kumibo ang hepe ng pulisya doon na si Chief Inspector Renato Mercado.

Panawagan na rin ito kay Region 4-A director Chief Supt. Samuel Pagdilao. Sir, kontrolado ka rin ba nitong sina Peping Gatdula at Jun Lagos?

Makikita natin ang sagot ni General Pagdilao kapag napahinto at nakasuhan itong sina Peping Gatdula at Jun Lagos sa lalong madaling panahon!

* * * * * * * *

LAGANAP pa rin daw ang bentahan ng “sex ring” diyan sa Avenida Rizal, partikular sa nasasakupan ng Bgy. 309, Zone 30, District 3. Mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Health ang paggamit ng “sex ring” dahil nakapagdudulot daw ito ng inpeksyon sa loob ng ari ng babae.  Ito ang dahilan kung bakit bawal itong ibenta sa publiko. Pero bagama’t bawal ay patuloy pa rin daw sa pagbenta ang mga vendors. Malimit daw hulihin ang mga ito ng mga taga-Manila City Hall pero di nagtatagal ay pinapawalan din ng walang anumang asunto dahil palagi silang nilulutangan ng isang chairman ng barangay na may “asim” daw kay Manila Mayor Fred Lim. Ang nasabing chairman daw ang protektor mismo ng mga vendors na pawang mga Muslim!

* * * * * * * *

PANAWAGAN sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency). Santambak daw ang mga bumibili ng shabu sa Bgy. Bolante, Pasig City. Ang numero uno daw na tulak ay kilala sa pangalang “Meno” na isang Muslim. Palagi daw makikita itong si Meno sa tapat ng gate ng Asilo Ville sa Bgy. Bolante. O, mga tropa sa PDEA, kilos na!

* * * * * * * *

SA NBI office sa Monumento, Caloocan City, may mga “fixers” daw na nagbebenta ng clearance sa halagang P500 para hindi na pipila pa ang aplikante. Nakasuot pa daw ng NBI t-shirt ang naturang mga “fixers” at may ID pa ng NBI. Hinala ng tipster natin na empleyado rin ng NBI ang naturang mga fixers.

* * * * * * * *

Text mula kay Tadio Hermosilla na may cellphone number 09309401470: “Gud am sir. Hindi nire-remit ng employer ko ang aking SSS contribution ng isa at kalahating taon na. Nagreklamo na po ako pero walang nangyari. Eto po ang SSS number ko: 09-1383748-3.”

Sagot: Dalawang bagay lang ang gawin mo, kaibigan. Una ay pumunta ka sa legal department ng SSS at doon ay magsampa ka ng reklamo laban sa employer mo. Pangalawa, puwede rin na ikaw na mismo ang maghabla sa tulong ng isang abogado mula sa Public Attorneys’ Office  (PAO). Kasong kriminal ang hindi pagre-remit ng employer ng SSS contributions na kinaltas na niya sa kanyang mga empleyado.

* * * * * * * *

Mula kay Alfredo Briones na may cellphone number 09056690993: “Sir, tanong ko lang po kung may habol pa ako sa kumpanya na pinagtatrabahuhan ko. Isa po akong delivery helper. Naaksidente po kami at nabali yung buto ko sa hita. Sinagot naman po ng kumpanya namin yung gastusin ko sa ospital pero yung weekly ko na sahod ay hindi po nila binabayaran. May habol pa ba ako sa kanila. Sana ay matulungan n’yo ako. Maraming salamat po!”

Sagot: May habol ka kung regular kang empleyado. Kung hindi man, puwede kang makipag-usap muna sa iyong employer para kunin kung ano ang nararapat sa iyo. Sumangguni sa abogado sakaling walang mapala.

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply