Benepisyo ng mga tanod dagdagan –Miriam

DADAGDAGAN ng Senado ang benipisyong nakukuha ng lahat ng barangay tanod sa buong bansa tulad ng libreng pagpapagamot sa pampubliko ospital, libreng matrikula sa state colleges and universities kabilang ang Chistmas bonus.

Ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, nakakaligtaan ng pamahalaan ang mahalagang papel na ginagampanan ng barangay tanod sa komunidad sa kabila ng panganib na kinahaharap ng naturang opisyal sa tuwing may gulo sa komunidad.

“Palaging nasa frontline ang mga barangay tanod sa tuwing may kaguluhan sa kanilang barangay.  Sila ang palaging tinatawag o nagpupunta sa tuwing may away o anumang kaguluhan. Karaniwan, kasama sila ng awtoridad sa pagpapatupad ng batas.  Matapang nilang sinusuong ang panganib sa kanila nang kawalan ng armas at depensa at mahusay na ipinatutupad nila ang sinumpaang tungkulin,” paliwanag ni Santiago.

Ngunit, ikinalulungkot ni Santiago na hindi kinikilala ng umiiral na batas ang kanilang sakripisyo at kahalagahan sa komunidad. “Kakarampot ang kanilang tinatanggap kumpara sa ibang opisyal ng barangay.”

Dahil dito, inihain ni Santiago ang isang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang benipisyo at kagalingan sa mga barangay tanod na siyang mag-aamyenda sa Republic Act 7160 na mas kilalang Local Government Code.

Base sa panukala ni Santiago, bibigyan ang lahat ng barangay tanod na P1,000 Christmas bonus na kukunin sa general fund ng barangay o kung maglalaan ng pambansang pamahalaan.

Bibigyan din siya sila ng insurance coverage na hindi lamang limitado sa pansamantala at perminanenteng disability kabilang ang double indemnity, accident insurance, death at burial benefits alinsunod sa batas.

Libre rin na makukuha ang benipisyong medikal sa lahat ng pampublikong pagamutan kabilang ang susbsistence, medisina at atensiyong medikal  at surgery, o gastusin sa surgery, X-ray, laboratory fees at iba pang gastusin sa pagamutan.

Sakaling walang sapat na kakayahan ang pampublikong pagamutan na tugunan ang pangangailangang medikal ng isang barangay tanod, pinapayagan ng batas na maidala ito sa pinakamalapit na pribadong ospital na puwedeng sumingil ng hindi hihingit sa P5,000 na kukunin naman sa pondo ng partikular na barangay.

Hindi rin sila pagbabayarin sa anumang matrikula at anumang bayarin sa lahat ng pampublikong pamantasan at kolehiyo para sa kanilang lehitimong supling.

Bibigyan din sila ng civil service eligibility base sa bilang ng taon ng kanilang pagseserbisyo sa barangay alinsunod sa itinakda ng Civil Service Commission.

Hiniling ni Santiago sa kasamahan sa Kongreso na kaagad pagtibayin ang panukala bilang pagkilala sa serbisyong ibinibigay ng barangay tanod sa ating komunidad. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply