Bidding ng insurance coverage sa LTFRB, luto?

KINUWESTIYON ng ilang sektor kasama na ang  consumers at transport groups si Land Transportation Franchising and Regulatory Board Executive Director Dante Xenon Atienza hinggil sa umano’y “magulo” at “lutong-makaw” na bidding sa ahensiya.

Anila, dapat ipaliwanag ni Atienza ang hindi matuloy-tuloy na bidding para sa insurance cover ng mga pasahero sa mga pampublikong  sasakyan.

Anila, mistulang “lutong makaw” at tahasang paglabag sa regulasyon ng LTFRB patungkol sa bidding at sa RA 9184 o ang ‘Government Procurement Act’ ang inanunsyo ni Atienza noong Marso 4 para sa umano’y mga bagong patakaran na gagabay sa ‘Passenger Personal Accident Insurance Program’  ng LTFRB.

Layunin ng PPAIP na mabigyan ng proteksyon ang mga pasahero ng mga PUV sakaling mamatay o masaktan ang mga ito sa isang sakuna at matiyak na hindi mga peke at ‘fly-by-night’ ang mga kompanyang nag-aalok ng insurance cover sa operators ng PUVs.

Bunga na rin ng nasabing programa, maayos na nabayaran ng mga insurance companies ang mga biktima ng sunod-sunod na aksidente ng mga pampasaherong bus at iba pang PUVs sa Cebu, Baguio at iba pang lugar noong nakaraang taon.

Tinatayang umaabot sa P700M ang halagang kinikita ng programa bawat taon.

Puna pa ng mga grupo, “garapal” na nilalabag ni Atienza ang panuntunan ng DOTC at inilalagay sa panganib ang mga pasahero ng mga PUV dahil may anim na buwan na umanong hindi maisagawa ang bidding sapul pa noong nakaraang  Agosto.

Ipinunto ng mga ito na ang orihinal na petsa sa pagtatapos ng PPAIP ay noon pang Setyembre 15, 2010, subalit nabigyan lang ito ng anim na buwang palugit ng DOTC, hanggang Marso 16.

Sakaling matapos ang palugit ng walang bagong kasunduan para sa PPAIP, malaki ang posibilidad na hindi mabayaran ang mga biktima ng aksidente sa kawalan ng insurance cover.

Noong nakaraang Agosto, inaprubahan ng LTFRB board of directors ang ‘guidelines’ na susundin ng mga lalahok sa bidding.

Tatlong grupo ng malalaking insurers ang nakapasok sa nangyaring ‘pre-bidding and accreditation process.’

Ayon sa ulat, wala umanong tutol ang DOTC na ituloy ang bidding.

Kailangan lang umanong marepaso ang anomang kasunduan sa pagitan ng nanalong bidder at ng LTFRB bago ito ipatupad.

Bunga naman ng bagong anunsiyo ni Atienza, marami sa industriya ang nagdududa na may pinapaborang grupo ang ilang opisyales sa LTFRB na hindi nakasali sa nangyaring proseso noong nakaraang taon.

“May gusto ba siyang ipasok na ibang grupo kung kaya minamadali niya ang proseso at pabago-bago ang kanyang patakaran,” tanong pa ng mga apektadong sektor.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply