Bilyong piso lugi ng gobyerno sa talamak na sugar smuggling
BILYONG piso ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa talamak na smuggling ng asukal sa bansa kung saan umaabot umano sa 100,000 hanggang 150,000 metriko tonelada ng asukal ang nailulusot papasok ng bansa nang hindi nagbabayad ng kaukulang buwis.
Ito ay ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman at 2nd district -Batangas Rep. Hermilando Mandanas matapos maharang ang 34 container van ng asukal na ilulusot sana papasok sa bansa.
Kamakailan lamang ay pinangunahan ni Mandanas ang Bureau of Customs’s team sa pagbubukas ng container vans na naka-consign sa Berina Agri Business & General Merchandise sa Manila International Container.
Ang nasabing container ay nasa Alert Order dahil sa hindi pagdeklara ng totoong nilalamam nito na nauna nang idineklarang sports equipment at paper doard sa import entries.
Ayon kay Mandanas, ang iligal na pagpasok ng asukal sa bansa ay nakaaapekto sa mga mag-aasukal sa bansa maging sa koleksyon ng gobyerno.
Ikinagalak naman ng Sugar Alliance of the Philippines ang naging hakbang ni Mandanas.
Sinabi ni Marcelino Aganon, Jr. presidente ng Confederation of Sugar Producers Association, Inc. na malaking tulong sa kanila ang naging kampanya ni Mandanas at maging ang hakbang ng Kamara para matigil na ang smuggling ng asukal sa bansa.
Sa ginanap na Congressional Oversight Committee on Physical Examination of Imported Articles ay seryosong ipinatutupad nito ang nakapaloob na direktiba sa ilalim ng Republic Act No. 7650 upang matiyak na mahadlangan ang pagpasok sa bansa ng mga kontrabando. Beth Aragon
You must be logged in to post a comment Login