Bochang karne ng kalabaw nasabat sa Pasay

NASAWATA ng mga tauhan Pasay City Veterinary Office ang pagkalat ng mga bochang karne ng kalabaw sa Metro Manila nang matunton sa isang katayan ang lima sa 17 mga kalabaw na nakatakda ng katayin Huwebes, Marso 24, sa Pasay City.

Nakumpirma ng mga tauhan ni Dr. Ronaldo Benazor, hepe ng Veterinary Office na patay na ang limang kalabaw na kakatayin sana sa Malvar Slaughter House sa Edang St. sa naturang lungsod kaya’t kaagad nilang kinumpiska ang mga ito at dinala sa crocodile farm sa CCP Complex upang ipakain sa mga buwaya.

Napagalaman na sakay ng isang malaking truck na may plakang PSL-845 ang mga kalabaw na pag-aari ng isang Romy Enriquez mula sa Batangas at dinala sa naturang katayan nang matunton ng mga tauhan ng veterinary office.

Isang Baby Aguila umano na kilalang meat dealer ang madalas na bagsakan ng mga bochang karne bagama’t hindi matiyak kung saang palengke sa lungsod ito ibinabagsak.

Ikinatuwiran naman ng driver ng truck na buhay pa ang mga kalabaw nang ibiyahe nila mula Batangas at sa daan na lamang nangamatay ang mga ito bago pa man nila idating sa katayan.

Sinabi ni Benazor na katumbas ng 1,700 kilo ng karne ang limang kalabaw kung sakali at natuloy ang pagkatay nito sa naturang slaughter house. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply