Bolera nakulong

ARESTADO ang isang bebot nang tangayin ang dolyar ng dalawang babaeng kinaibigan muna sa Pasay City.

Kinilala ang suspek na si Jennifer Diñoso, 34, dalaga, ng P36-12 4th, 9th Street, Villamor Airbase (VAB), Pasay City, nasakote ni SPO1 Allan Valdez ng Pasay City Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) dakong 10:55 kaninang umaga, Marso 13 sa loob ng isang fast food chain sa Parañaque City.

Nabatid na umabot sa P295,000 ang natangay ng suspek sa mga biktimang sina Rosita Montero, 50, ng P7-22 12th Street VAB, at Elke Malabanan, 36, ng P32-10 10th Street VAB.

Sa salaysay ng dalawang biktima, nakapagtabi sila ng salaping dolyar, Japanese Yen, Brunie Dirham at Korean Won mula sa ipinambabayad sa kanila ng mga napautang na kaibigan na nasa ibayong dagat.

Maliban sa ipinadadalang dolyar ng kanilang anak sa Japan, hindi nila ito maipalit sa money changer sa pangambang masalisihan sila sa palitan ng foreign currencies.

At dahil mahigit isang taon na umano nilang kilala ang suspek ay tinanggap nila ang alok nito na sa kabigan na lang niya na nagtatrabahao sa casino sa Heritage Hotel, EDSA sila magpapalit.

Dahil sa tamis ng dila, naengganyo ang dalawang biktima na ipagkatiwala ang kanilang dolyar sa suspek nitong nakaraang Marso 11, pero hindi na umano nagpakita si Diñoso.

Kaninang 9 ng umaga nang nakausap ni Montero ang suspek at nagkasundong magkita sa McDonalds, Parañaque branch upang hingin ang paliwanag kung ano ang nangyari sa pera.

Dito na hindi nakatalilis ang suspek nang dumating si Montero kasama si SPO1 Valdez.

Sa presinto, hindi naman maipaliwanag ng suspek kung saan napunta ang salaping ipinagkatiwala sa kanya ng dalawang biktima. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply