Bonus, luho ng GOCCs kinapon na ng Senado

BILANG na ang araw ng pagsasamantala at maluluhong bonus, sahod at allowance ng mga itinalagang opisyal sa Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) dahil inaprubahan na ng Senado ang panukalang reporma sa kompanya ng gobyerno.

Iniulat ni Sen. Franklin Drilon na inaprubahan sa ikalawang pagbasa ang GOCC Governance Act of 2011 na nagtatakda ng sapat na sahod at allowance sa lahat ng opisyal at tauhan ng kompanya ng gobyerno taliwas sa dating pagwawaldas ng pondo.

“The days when the GOCC boards can act independently of the national government are over. We are confident that once this bill becomes a law, the excesses and abuses we saw in the operation of the GOCCs will be a thing of the past,” paniniguro ni Drilon.

Sa panukala, nakatakdang lumikha ng isang Government Commission for GOCCs (GCG) na naglalayong kumilos bilang central advisory at oversight body na tututok sa istruktura at sistemang ipatutupad sa lahat ng kompanya ng pamahalaan.

Pamumunuan ito ng isang chairman na may ranggong kalihim at dalawang komisyunado na may ranggong undersecretary na itatalaga ng Pangulo ng bansa.

Dadaan at mahigpit na babantayan ng GCG ang lahat ng inaprubahang kumpensasyon, per diems, allowance at bonuses ng lahat ng miyembro ng board of director, trustees at tauhan ng mga korporasyon ng gobyerno at hindi rin sila makatatanggap ng retirement benefits.

May kapangyarihan din ang GCG para magsagawa ng reorganization, merger o streamlining ng GOCC at irekomenda sa Pangulo ang abolisyon o privatization ng GOCC.

Ginawa ng Senado ang hakbang na ito matapos madiskubre sa mga nakaraang pagdinig ng Senate committee on finance ang pananamantala ng executives ng GOCCs tulad ng pagtanggap ng chairman of the board ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System(MWSS) ng P 5 milyong bonus noong 2009 at nagkaroon ng 25 beses na bonus kahit na lugi ang MWSS ng P 3.5 bilyon noong 2008. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply