Boses ng Pinoy may ‘say’ sa impeachment vs Merci – Malakanyang

KUMPIYANSA ang Malakanyang na ang 52 porsyento ng mga Pinoy na suportado na ma-impeach sa Senado si Ombudsman Merceditas Gutierrez base sa resulta ng Social Weather Station (SWS) ang magdidikta sa mga senator-judge sa kanilang ibibigay na hatol sa oras na simulan ang proseso ng impeachment sa Mayo.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na bagama’t inaasahan na ang indibidwal na boto ng mga Senador ay pawang independent, hindi naman sila ligtas na mabasa, mapakinggan o mapanood ang mga balita kaugnay sa pulso ng taumbayan na nagluklok sa kanila sa puwesto kaugnay sa kinakaharap ni Gutierrez.

“Mayroong kanya-kanyang pananaw ang ating mga senador at ating nirerespeto ang kanilang magiging hatol o posisyon sa naturang usapin. But all of us do not exist in a vacuum. Tayo ay nagbabasa ng balita at ang resulta na 52 posyento ng mamamayan na sumusuporta na magkaroon ng reporma sa Office of the Ombudsman,” deklara ng Kalihim.

Ito ay kaugnay sa lumabas na resulta ng SWS survey na ang 52 porsyento ng mga Pinoy ang pumabor sa naging desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang anumang balakid upang maisulong sa Kongreso ang Impeachment complaints kontra sa Ombudsman at tuluyang nai-akyat na sa Senado.

Pinaalalahanan din ni Lacierda ang mga senator-judge kaugnay sa sinasabing kabiguan ng tanggapan ni Gutierrez na aksyunan ang mga anomalya, eskandalo at iregularidad na nahantad sa publiko sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Inihalimbawa pa ng tagapag-salita ni Pangulong Benigno Aquino, III ang pinasok na plea bargaining agreement ng Ombudsman sa kampo ni dating AFP comptroller Carlos Garcia sa kabila ng hinaharap nitong kasong plunder at ang isyu ng P728-milyon na fertilizer fund scam.

“The Senate Blue Ribbon Committee has done several reports on the irregularities but the Ombudsman did not act on them,” aniya pa.

“We believe na habang naroon si Gng. Gutierrez nagiging sagabal ang Office of the Ombudsman sa pag-usig sa corruption na nangyari sa nakaraang administrasyon,” deklara pa ni Lacierda. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply