Brillantes posibleng ayawan na ang Comelec

SAKALING hindi pa rin makumpirma ng Commission on Appointment (CA) si  Sixto Brillantes, bilang chairman ng Commission on Elections (Comelec) bago tuluyang matapos ang sesyon ng Kongreso ngayong buwan ay may posibilidad umanong hindi na niya tanggapin ang naturang posisyon.

“Pag hindi ako kinumpirma sa congress before adjournment, baka hindi ko na tanggapin dahil sa dami ng trabaho ko sa Comelec, sumasakit na ang ulo ko,”  ayon kay Brillantes, sa forum na ginanap sa Illustrado, sa Intramuros, Manila nitong Martes ng umaga, Marso 15.

“Baka tatlo ang mabakante kasi hindi pa naman ako naku-confirm hanggang ngayon,” aniya pa.

Sa ngayon ay dalawa ang bakanteng posisyon sa Comelec matapos magretiro sina dating Commissioners Nicodemo Ferrer at Gregorio Larrazabal noong nakaraang buwan.

Samantala,  tiniyak ni Brillantes na handa ang Comelec sa sandaling matuloy ang gaganaping eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa Agosto, bagamat umapela sa Kongreso na bilisan ang pagdedesisyon kung ipo-postpone ba o hindi ang halalan.

Katwiran nito, habang tumatagal ang pagdedesisyon ng Kongreso ay maraming pera ang nasasayang.

Sa pagtaya ng Comelec chairman, aabot sa P2.2 bilyon ang pondo na matitipid ng Comelec sa sandaling hindi matuloy ang ARMM election.

Inaasahan naman aniyang sa darating na Marso 31 ay magsisimula na ang Comelec na gumastos para sa paghahanda sa naturang eleksiyon.

“Pag sinabi ng kongreso na postpone, saka lang kami papalakpak, dahil makaka-save kami ng P2.2 bilyon,” ani Brillantes.

Tiniyak din ni Brillantes na automated ang magaganap na eleksiyon sa ARMM at ang precinct count optical scan (PCOS) machines pa rin ng Smartmatic ang gagamitin nila sa pagdaraos nito.

Nabatid na ang ARMM polls ay nakatakda sa Agosto 8, ngunit may mga planong i-postpone ito at isabay na lamang sa 2013 midterm polls.

Mismong ang Comelec at si Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay pabor sa panukalang postponement upang higit umanong mapaghandaan ang naturang halalan. Kyle Gatus

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply