Buhayin na muli ang parusang bitay sa Pinas

HANGGANG kailan matatapos ang paglalagay ng mga tarantadong kriminal ng buhay natin sa kamatayan at alanganing kalagayan?

Nagtatanong tayo, mga Bro, kaugnay ng pagkakabitay kina Sally Ordinario Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo sa Tsina kahapon ng umaga.

Hinatulan sila ng kamatayan sa pagdadala nila papasok sa Tsina ng kilo-kilong heroin. Hindi na umubra ang katwirang inosente sila at ginamit lang sila ng mga sindikato ng droga nang di nila nalaman.

Basta nahuli sila na may dalang kilo-kilong droga, tapos na ang kuwento.

Bitay na ang kasunod nito.

Ayaw na ayaw ng mga Intsik na guguluhin ng mga druglord, drug trafficker, pusher at user ang kanilang lipunan.

Ayaw nilang matulad sa Pinas na nasa 70 porsiyento ng krimen ang na-uugat sa droga.

Ayaw din nilang matulad sa Mexico na ang mga drug lord ang panginoon at puro giyera ang inaabot ng mga ito ngayon doon.

oOo

Sa pagbitay kina Sally, tanggapin natin o hindi, nabawasan ang mga nagpapakalat ng droga.

Sinasabi natin ito, mga Bro, ngunit hindi natin sinasabing tinatalikuran natin sina Sally at sa katunayan, buo ang pakikiisa natin sa kanila.

Ang gusto lang nating ipunto ay paano kaya kung buhayin muli natin ang parusang bitay kahit man lang bilang panlaban sa droga?

Tingnan ninyo, mga Bro.

Kapag nahuli natin ang mga druglord na gumamit kina Sally, ang mangyayari ay makukulong lang sila.

At kapag natapos na nila sa bilangguan ang kanilang kaparusahan saka sila ide-deport.

Pagkatapos ano ang kasunod nito? Tuloy ang ligaya ng mga hayop na ito.

Kasama rito ang mga Pinoy na gustong kumita sa droga.

Yun bang —- katulad ni Tita Cacayan.

Muli silang mangangalap ng mga katulad nina Sally na gipit sa buhay at madaling mapaikot ang bumbunan sa pagdadala ng mga droga.

Ilan pa ang mabibiktima ng mga animal na ito at mabibitay lang sa ibang bansa?

Dapat na tapatan ng parusang bitay ang mga ito nang matigil na rin ang pagpapahamak nila sa atin.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply