Burdadong tulak biktima ng salvage

ISANG lalaking may laslas na leeg, nakataling mga kamay at balot sa packaging tape na ulo ang natagpuang patay at pinaghinihinalaang biktima ng salvage sa Sta. Mesa, Maynila, Lunes ng madaling araw, Marso 7.

Ang biktima ay nakilala lamang na alyas “Blondie”, 35-40 anyos, may taas na 5’9″, blonde ang buhok, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, short pants, naka-tsinelas, tadtad ng tattoo sa katawan kabilang ang “Ina Ko”, “Ama Ko”, mukha ni Virgin Mary at mga anghel sa paligid nito sa likurang bahagi ng katawan nito, bulaklak sa kanyang dibdib at Bugs Bunny sa kanyang kanang balikat.

Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa suspek na tumakas matapos ang insidente.

Sa report ni PO2 Jason Ibasco ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 1:30 ng madaling araw nang natagpuan ang biktima sa ibabaw ng tulay sa kanto ng Ramon Magsaysay Blvd. at Paltoc St., Sta. Mesa.

Habang nagsasagawa umano ng pagpapatrolya ang mga barangay tanod ng Barangay 426 nang napansin nila ang nakabulagtang biktima sa nasabing lugar kaya ipinagbigay-alam ito sa MPD-Station 4 (Sta. Mesa).

Nakatali ang kamay ng biktima at nakabalot ang ulo ng packaging tape habang may nakapatong na cardboard sa kanyang tiyan na may nakasulat na, “Kung gusto niyong magaya o sumunod sa akin, huwag kayong tumigil sa pagtulak ng bato.”

Ang bangkay ng biktima, na ginilitan sa leeg ay dinala sa St. Ivan Funeral Homes para sa awtopsiya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply