Buwan(g)

IBANG klaseng pananakot na naman ang kumakalat. Dahil daw sa “supermoon” ngayong Sabado, tataas ang tubig sa dagat at gagalaw ang ilang bahagi ng ating mundo.

At dahil “full moon,” aandar daw ang mga may tama sa utak at marami ang mabubuwang, lalo na ang mga ipinanganak sa buwan ng Pebrero.

Kalokohan! Mas nakakabuwang ang ating kalagayan sa bansa kaysa pagdating ng “supermoon.” Sa totoo lang, marami na ang nabubuwang dahil sa mga nangyayari sa ating paligid.

Hindi na kailangan pa ang “supermoon” o ang paglapit ng buwan sa ating mundo upang mabuwang ang mga Filipino.

Sapat na ang trapik sa Metro Manila, ang sunod-sunod na sunog sa mga maralitang komunidad at ang kawalan ng aksyon ng pamahalaan sa maraming problema sa ating bayan upang mabuwang ang mga tao.

Hindi na kaya pang buwangin at takutin ng buwan ang mga Filipino na nabubuwang na sa kakarali laban at pabor sa “reproductive health” habang marami ang namamatay sa Japan.

Hindi na mabubuwang pa ang mga Pinoy na sumusubaybay sa away-pulitika sa Kongreso habang natataranta kung saan pupunta ang mga nasa Bahrain at Tokyo.

At kung magugunaw man ang mundo ngayong Sabado, magkakaroon ng malaking kaluwagan sa damdamin ng maraming mahihirap nating kababayan. At least, anila, sabay-sabay tayong matitigok habang nakatingala sa buwan.

Oo nga naman. At least maganda ang view!

Nakakabuwang talaga ang pinagkakaabalahan nating mga Filipino ngayong mga nakalipas na araw – trahedya sa Japan, gera sa Bahrain at Libya, rali tungkol sa RH bill at pagho-hoard ng “feminine wash.”

Nalilimutan tuloy natin ang mga batayang usapin sa lipunan, tulad ng kahirapan, pagtatayo ng pagkakakitaan para sa lahat, pagpapaunlad ng negosyo, usapang pangkapayapaan, dahil natataranta tayong matatapos na ang mundo.

E, kung hindi magugunaw ang sanlibutan ngayong Sabado? May pambili na ba tayo ng pagkain para sa Linggo? Hirap no? Kalorke!

Kaya tama na muna ang nakakabuwang na kwento. Trabaho na muna. Singilin na muna natin ang mga pulitiko sa kanilang mga pangako. Halos isang taon na sila sa pwesto, wala pa ring nagagawa. Nakakabuwang na! Joe Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply