Call center agent nagbaril sa sarili sa loob ng motel

LIMANG araw matapos bumili ng baril na Smith and Wesson Magnum .357 ay ginamit na agad ito ng isang call center agent sa kanyang sarili.

Namatay si Eric Custodio nang magbaril sa sarili noong Huwebes ng gabi sa Room 305 ng Soho Hotel na matatagpuan sa 2016 M.H del Pilar St., Malate,Maynila.

Ayon kay PO3 Alonzo Layugan, dakong alas-sais ng gabi nang dumating sa nasabing hotel ang biktima sakay ng isang taxi upang mag-check in.

Dakong alas-nuwebe ng gabi nang tawagan ng cashier ang kuwarto ng biktima dahil tapos na ang “short time” o tatlong oras na binayaran nito.

Hindi umano sumasagot ang biktima kaya’t pinaakyat ng cashier ang room boy na si Dennis Uybungco.

Ilang beses na kinatok ni  Uybungco ang pintuan ng biktima subalit walang sumasagot. Agad niyang ipinaalam ito sa supervisor na si Jose Paller.

Gamit ang isang duplicate key, binuksan ang kuwarto ng biktima at tumambad sa kanila ang patay nang katawan na nakahiga sa kanyang kuwarto.

Narekober sa tabi ng biktima ang baril na hinihinalang gamit sa pagpapakamatay, mga identification card, resibo ng biniling baril na nagkakahalaga ng P61,000 na may petsang Marso 6, permit to carry para sa baril na nakapangalan sa biktima.

Ayon kay Layugan, solong pumasok ang biktima sa nasabing hotel at wala ring nakarinig sa putok ng baril.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply