Cayetano tiniyak ang parehas na pagtingin sa ethics case ni Lacson

TINIYAK ni Sen. Alan Peter Cayetano na bibigyan ng parehas na pagtingin ang ethics case na isinampa ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) laban kay Sen. Panfilo Lacson hinggil sa hindi pagpasok bilang senador at pagtatago nito.

Sa panayam pagkatapos magtanong sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa korapsiyon sa AFP, sinabi rin ni Cayetano na nakatakdang ipanukala sa Senado na magkaroon ng Code of Ethics ang mambabatas.

Ayon kay Cayetano, nakatitiyak si Lacson na magkakaroon siya ng “hustisya” sa kasong isinampa ng VACC upang maipahatid sa taumbayan na walang nakakataas sa batas kahit mambabatas pa ang nahaharap sa kaso.

“I assure Senator Lacson of fairness in the Ethics Committee. Alam naman niyang kailangan i-dispose ito dahil dati naman siyang Chairman. But the committee is not after getting anyone, it is just making sure that there is a system of accountability sa Senado,” ayon kay Cayetano.

Sinabi pa ni Cayetano na bago dinggin ang kaso laban kay Lacson, gusto muna nitong pagtibayin ang Rules of Procedures na gagamitin sa pagsasagawa ng imbestigasyon at pagdinig sa lahat ng kasong isasampa ng Ethics committee.

“I haven’t read the allegations (regarding the ethics case) because we want to pass the rules first pero ‘di ito maapektuhan nung desisyon ng CA. Pero habang nandito si Senator Lacson ay siyempre kailangan naman natin (siyang) bigyan ng oras sa kanyang pamilya and to get back to work also sa kanyang staff,” giit ni Cayetano.

Aniya, magiging basehan ng mamamayan sa paghusga sa kanilang mambabatas ang ipanunukalang Code of Ethics sa Senado hinggil sa pagtupad ng tungkulin at responsibildad ng bawat senador.

“Ang naging difficulty noong araw sa mga ethics cases ay ‘di malaman ng mga mamamayan kung ano ba ang paningin ng mga senador at congressman na ethical at unethical. So ang aking isang proposal pagbalik sa Mayo ay maglatag ng isang Code of Ethics para sa Senado,”  aniya.

“Hindi pa namin siya binibigyan ng copy of the ethics complaint because we will pass the rules first. Nagbigay tayo ng extension sa mga miyembro na i-submit yung comments nila one week bago magresume ang session para by the time na mag-session ay ipapasa na namin ang rules,”  ayon kay Cayetano. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply