CBCP tutol sa pag-aalis sa 12% EVAT sa petrolyo

TINUTULAN ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang panukala ng isang senador na alisin ang ipinapataw na 12 porsiyentong expanded value added tax (EVAT) sa mga produktong petrolyo, upang mapababa ang presyo nito at mabawasan ang pasanin ng publiko.

Una nang ipinanukala ni Senador Ralph Recto na alisin na lamang ang ipinapataw na 12% EVAT ng pamahalaan sa buwis upang bumaba ang presyo ng petroleum products sa bansa.

Ayon kay Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Canon Law, tiyak na maaapektuhan ang serbisyong ibinibigay ng pamahalaan sa mga mahihirap sa oras na alisin ang buwis sa langis.

“Hindi maaaring tanggalin ang 12 percent EVAT sa langis kasi kailangan din gamitin yan sa ibang bagay, sa ibang serbisyo ng gobyerno.  Napakalaki ng tulong ng buwis sa pagpapaunlad ng serbisyo ng gobyerno sa mga mahihirap,” bahagi ng pahayag ni Medroso sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Simula nang sumiklab ang kaguluhan sa ilang bansa sa Middle East ay patuloy na rin ang pagsirit ng presyo ng langis, dahilan din upang tumaas ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Mas makabubuti rin aniya kung dadagdagan na lamang ang sahod ng mga manggagawa upang hindi sila maapektuhan kapag tumaas na ang mga pangunahing bilihin.

Hinimok naman ng Obispo ang gobyerno na gumawa ng paraan kung papano nila mabibigyan ng hanapbuhay ang mga mahihirap.

Sinabi pa ni Medroso na “Malaking hamon ito sa mga pulitiko at mga nanunungkulan sa ating bayan kung papano nila tutugunan ang kahirapan at kagutuman sa bansa. Dapat noon pa ay gumawa na sila ng paraan kung papano tugunan ang tumataas na presyo ng mga bilihin.” Kyle Gatus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply