CBCP umayuda na sa Japan

KUMILOS na ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para tulungan ang mga biktima ng lindol at tsunami sa Japan.

Naglunsad ng isang fund-raising campaign ang National Secretariat for Social Action – Justice and Peace (Nassa),  ang social action arm ng CBCP na kilala sa tawag na ‘Caritas Filipinas,’ upang makapagpadala ng tulong sa mga Hapones.

Kaugnay nito, umapela si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-NASSA, sa mga Pinoy na magbigay ng makakayanang tulong para ayudahan ang mamamayan ng Japan.

Matatandaang niyanig ng 8.9 magnitude na lindol ang Japan, na sinundan pa ng mapaminsalang tsunami, na nagresulta sa pagkasira ng mahigit US$100 bilyon halaga ng mga ari-arian at pagkamatay ng libu-libong indibidwal doon.

Hindi naman dito natatapos ang problema ng bansang Japan, matapos mapinsala ng lindol at tsunami ang nuclear plants nito,  na pinangangambahan pang magresulta sa nuclear meltdown sa hinaharap.

Ayon kay Pabillo, noong panahong ang Pilipinas ang nangangailangan ng tulong, isa ang bansang Japan sa mga unang nagpaaabot ng tulong sa bansa, kaya’t pagkakataon na umano ngayon para ang mga Pinoy naman ang tumulong sa mga Hapones.

Naniniwala si Pabillo na kahit pa gaano kaliit ang magiging donasyon ng mga Pinoy ay makatutulong ito ng malaki para makabili ng pagkain at tubig, at makapagtayong muli ng mga tahanan at mga paaralan ang mamamayan ng Japan.

Ang anumang pondong makakalap ng Caritas Filipinas ay ipadadala nito sa Caritas Japan.

Sa mga interesado umanong tumulong ay maaaring magbigay ng donasyon sa Nassa-Caritas Filipinas; PHILTRUST BANK Account Name: CBCP CARITAS FILIPINAS FOUNDATION, INC. Account No. Peso Account No. 00320-013956-5; US$ Account No. 0034-000138287; at sa Euro Account No. 0035-00000031. Kyle Gatus

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply