Celdran nag-sorry; Simbahan dedma

MATAPOS ang anim na buwan, humingi na ng paunmahin sa Simbahang Katoliko ang kontrobersiyal na tour guide na si Carlos Celdran kaugnay sa ginawa nitong pag-abala sa isang misa na idinaos noong nakaraang taon sa Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila.

Hindi umano mabigyan ng panahon ng Simbahan ang isyung nabanggit dahil sa pagiging abala nito, lalo ngayong panahon ng Kuwaresma.

Sa isang letter of reconciliation na ipinaabot ni Celdran sa Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Manila court, inamin ng Reproductive Health Bill advocate na mali ang kanyang ginawang pag-abala sa Banal na Misa noong Setyembre 30, 2010.

Isinapubliko rin ni Celdran ang paghingi niya ng paumanhin sa Simbahan sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mensahe sa kaniyang Facebook account.

“Submitted my one page letter of reconciliation to the CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines) using the Holy Sacraments as my guide. The bishops are busy throughout Lent, said their lawyer, and need time to discuss my letter. I have to go back to trial on May 10, 2011,” anang FB post ng tourist guide.

Ayon naman kay Msgr. Nestor Cerbo, rector ng Manila Cathedral, nakarating na sa kanila ang impormasyon hinggil sa liham ni Celdran, bagamat hindi pa nila ito pormal na nakikita.

Sinabi rin ni Cerbo na si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang siyang magdedesisyon kung tatanggapin nila ang paumanhin o hindi, bagama’t nilinaw na palagi namang bukas ang Simbahan sa mga taong humihingi ng paumanhin.

“It would be up to Cardinal Gaudencio Rosales to decide if it will be accepted. The final decision is not mine,” ani Cerbo.

Inamin rin ni Cerbo na ideya nila na humingi ng paumanhin si Celdran, ngunit inabot pa ng anim na buwan bago ito ginawa ng tourist guide.

Si Celdran ay nililitis sa hukuman matapos na ireklamo ng simbahan ng kasong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code o offending religious feelings, na may katapat na parusang pagkabilanggo.

Nag-ugat ang kaso sa pagdadamit ni Celdran bilang si Dr. Jose Rizal at panggugulo sa loob ng Manila Cathedral, kung saan pumasok ito sa loob ng simbahan habang nasa kalagitnaan ng Banal na Misa at may dalang placard na “Damaso.”

Nagsisigaw din umano ito sa harapan nina Cardinal Rosales, Papal Nuncio Archbishop Edward Joseph Adams at iba pang Obispo, at sinabing itigil ng mga ito ang pakikialam sa pulitika, na ang tinutukoy ay ang pagtutol ng simbahan sa RH bill.

Inaresto naman ng mga awtoridad ng Manila Police District si Celdran at ikinulong ng ilang oras sa MPD headquarters. Pinayagan lamang itong makalaya matapos na makapagpiyansa ng P6,000.

Nitong Huwebes ay pinayagan ni Manila Metropolitan Trial Court Branch 4 Judge Alfonso Ruiz  III ang kahilingan ng kampo ni Celdran na bigyan siya ng pagkakataon sa isang amicable settlement sa kaso.

Ayon kay Atty. Marlon Manuel, abogado ni Celdran, umaasa sila na may maaabot na silang kasunduan bago ang pagharap nila sa susunod na pagdinig na itinakda sa Mayo 10, 2011.

Dumalo para sa kampo ng Simbahang Katoliko ang kanilang abogado na si Atty. Ronaldo Reyes kung saan inilahad niya na kailangan pa ng kanyang kliyente ng sapat na panahon para pag-aralan ang draft letter ni Celdran na humihingi ito ng paumanhin sa Simbahang Katoliko. Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply