Contempt sa Ligots idudulog sa SC

NAGBANTA ang abogado nina dating AFP comptroller Lt./Gen. Jacinto Ligot (ret.) at asawa na si Erlinda na idudulog sa Korte Suprema ang ipinataw na contempt kapag hindi pinayagang lumaya ang kanyang kliyente ngayon, Martes, Marso 29.

Sa panayam, bago magpunta sa loob ng session hall sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa talamak na katiwalian sa AFP, sinabi ni Atty. Raffy Zialcita na hindi sila mangingiming maghain ng petisyon sa Supreme Court (SC) kung ‘di pagbibigyan ang kahilingan ng mag-asawang Ligot.

Ayon kay Zialcita, maaari nang sagutin ng mag-asawang LIgot ang ilang katanungan ng miyembro ng Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III kaya’t nararapat nang palayain ang dating heneral.

“Kundi nila papayagan na makalaya ang aming kliyente, kapag nasagot na ang ilang katanungan na base sa aming pag-aaral ay puwede nang sagutin, wala kaming ibang gagawin kundi dumulog sa Korte Suprema,” ayon kay Atty. Zialcita.

Nitong Martes ng hapon, Marso 29, lumitaw sa pagsisimula ng pagdinig si Mrs. Ligot na naunang hindi ipinadakip ng komite dulot ng pangmakataong pangangailangan dahil madalas itong kabahan sa tuwing dadalo sa pagdinig.

“Ayon sa aming pag-aaral, mayroon nang ilang katanungan na puwede nang sagutin ng mag-asawang Ligot,” ayon kay Zialcita.

Ipinakulong naman si Gen. Ligot noong nakaraang Linggo matapos matuklasan ng mga doktor ng Mataas na Kapulungan ng Senado na nagsisinungaling ang mag-asawang Ligot tungkol sa kanilang kalusugan. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply