Contempt vs mag-asawang Ligot ibinitin ng Blue Ribbon

MISTULANG ibinitin ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee ang desisyon upang ipakulong ang mag-asawang Ligot matapos walang mapigang impormasyon hinggil sa talamak na katiwalian sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa panayam pagkatapos ng caucus nitong Lunes, Marso 21, sinabi ni Sen. Teofisto Guingona, III na nagbuo ng isang panel ang Senado upang pag-aralan ang pagsasampa ng kasong contempt laban kina dating AFP comptroller B/Gen. Jacinto Ligot at asawa nitong si Erlinda.

Nauna nang naghain ng mosyon si Sen. Jinggoy Estrada sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Blue Ribbon sa naturang isyu matapos mabigong mapiga ang kabiyak ng dating heneral hinggil sa ilang ari-arian nito sa loob at labas ng bansa kabilang ang mamahaling sasakyan.

Ayon kina Guingona at Estrada, kailangan munang magkaroon ng masusing pag-aaral sa isyu upang hindi malabag ang karapatan ng isang indibiduwal na protektado ng Saligang Batas kaya nagbuo ng isang study panel upang pag-aralan ang isyu.

“We are confronting here the rights of individuals that’s why a Senate panel was formed to study the issue,” ayon kay Guingona.

Aniya, bubuuin ang panel ng hepe ng Legal Division ng Senado at chief legal counsel ng Blue Ribbon na siyang inatasang mag-aral sa isyu at walang senador na magiging miyembro ng lupon.

“We are trying to be very, very careful on this matter. We have to study the issue very carefully, ayaw namin sa Senado na ma-technical kami. We are dealing with the rights of an individual,” giit ni Estrada.

Inihayag pa ni Esrada na walang nangyaring botohan sa naganap na caucus, bagkus dininig lamang ni Guingona ang lahat ng opinyon at posisyon ng bawat miyembro ng komite.

“My stand is, the Senate must cite them with contempt,”giit ni Estrada.

Labing-pito ang miyembro ng Blue Ribbon Committee kabilang ang tatlong ex-officio member na pawang mataas na opisyal ng Senado at kailangan nang siyam na boto upang maaprubahan ng komite ang pagpapakulong sa mag-asawang Ligot.

“We are just following our rules. There should be a finding in the improper use of the right against self-incrimination,” paliwanag naman ni Sen. Franklin Drilon. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply