‘CROWNING GLORY’

GIRLS, mabusisi ba kayo sa inyong buhok?  Siguradong oo ang sagot ninyo.  Eh kasi babae ka. Pero may mga lalaki din namang badinoso pagdating sa buhok.  Na kahit kalbo,  gagamit pa rin ng shampoo sa paliligo.

Itinuturing  ‘crowning glory’ sa kababaihan ang buhok.  Kulot man ito, tuwid,  makapal, manipis, maiksi o mahaba, ang buhok. Ito ang isang nagpapaganda at nakapagpapaakit sa aura  ng isang babae. Hindi ba’t may mga babaing gumagastos sa pag-i-invest ng iba’t ibang ‘wigs’ para lang mapanatili ang ganda.

Sa paglipas ng panahon, dumami ang nauuso na hairstyles at hair treatment. Ngunit pinakaimportante pa rin ang pagpapanatiling maganda at malusog ng buhok sa pamamagitan ng pagligo o paghuhugas dito sa pamamagitan ng pagsa-shampoo.

Narito ang tips mula sa hair experts ukol sa  tamang pagpili, paggamit ng shampoo, isang basic sa pangangalaga ng buhok.

1. Pumili ng angkop na shampoo. Kung manipis ang buhok gumamit ng ‘volumizing shampoo’ para madagdagan ang kapal nito. Kung nangangati ang anit, gumamit ng ‘anti-itch shampoo.’  Kung may balakubak, mainam ang anti-dandruff shampoo. Gumamit lamang ng shampoo  batay sa pangangailangan ng buhok at hindi yung nagustuhan mo lang.

2. Hindi makabubuti sa buhok ang agarang papalit-palit ng shampoo. Makapagbibigay lamang ito ng hindi magandang epekto sa buhok at anit  gaya ng pangangati at pagkatuyo ng anit, pagkakaroon ng balakubak, marupok at falling hair.

3. Sa  may  manipis na buhok, gumamit  ng protein enriched shampoo. Sa pamamagitan nito, mapapatibay ang buhok. Ang manipis na buhok ay  mas ‘prone’ sa pagkasira at pagkarupok.

4. Ang moisturizing shampoo ay maganda para sa  kulot at  dry na buhok. Kadalasang ‘dry’ tingnan  ang kulot na buhok.  Upang mapanatiling makintab, gumamit ng moisturizing shampoo..

5. Ingatan ang buhok kapag basa.  Alam ninyo ba na napaka-delicate ng buhok kapag bagong paligo at basa? Prone ito sa damage kapag basa. Hayaan munang matuyo bago lumabas ng bahay.  Dahan-dahan itong pahanginan sa pamamagitan ng pagmamasahe ditto ng mga kamay at hinay-hinay na pagpunas ng tuwalya.  Kapag ang buhok naman ay madaling magbuhol-buhol, mas mainam na gumamit ng suklay na may malalaking ngipin.

6. Gumamit ng clarifying shampoo na may sangkap na EDTA kapag katatapos lang mag-pool swimming. Mapangangalagaan ang buhok kung gagamit nito pagkatapos mag-swimming. Kapag ang chlorine na nakahalo sa pool ay humalo sa copper sulfate ng buhok,  makapagdudulot ito ng pagkakaroon ng ‘greenish’ color  sa buhok. Ang sangkap na EDTA ay mabangis na pangtanggal ng chlorine.

7. Gawing ‘alternate’ ang pagsa-shampoo at pagko-conditioner. Huwag araw-arawin ang pagsa-shampoo. Ang shampoo kasi ayon sa ilang pananaliksik ay nakapagpapawala sa natural na langis ng ating buhok. Makabubuting palitan sila ng conditioner. Ang conditioner ay may taglay na sangkap na nakapagdadagdag sa oil ng buhok.

8. Laging komunsulta sa inyong stylist.  Huwag laging pangunahan ang lahat. Magtanong sa  pinagkakatiwalaang hair stylist  at  alamin ang angkop na shampoo (at iba pang hair products, hair treatment) para buhok. Sa pamamagitan nito ay maiiwasang lumala ang inyong problema sa buhok, o kung wala namang problema ay magkaroon ng problema.

Kusina, katulong sa pangangalaga sa buhok

Ang ating kusina ay katulong natin sa pangangalaga sa buhok.  Hindi kailangang maging magastos para sa pagpapaganda ika nga.  Maging praktikal at nandyan lamang sa kusina ang sagot sa hair problems.

Ayon sa experts, kung tatagal ng isang linggo ang ‘bad hair day’ mo, nangangailangan na ito ng tender loving care. ‘Wag ng hintayin ang weekends para bigyan ito ng atensiyon.

Naririto ang simple at epektibong paraan ng pangangalaga dito.  At ‘yan ay andyan lang sa kusina mo.

Ayon sa hair experts, madaling gawin at i-apply ang hair masks.  “All you need is a little time to be the proud owner of healthy, lustrous hair.”

Egg mask
Magbati ng 2 itlog kasama ang pula nito, 2 tablespoons ng tubig.  Imasahe ito sa malinis at mamasa-masang buhok,  ibabad ito ng 10-15 minuto at hugasan gamit ang mild shampoo..

Going bananas

Magdurog  ng isang saging, ihalo ito sa binating itlog, 3 tablespoons honey, 3-tablespoons ng gatas at 5 tablespoons olive oil.  I-apply sa buhok, imasahe, at ibabad ng 15-30 minuto, depende sa tindi ng damage nito, at hugasan ng mild shampoo.

Yo yogurt!
Paghiwalayin ang puti sa pula ng itlog.  Batihin ang egg white hanggang sa lumapot.  Dagdagan ng 6-tablespoons ng  yogurt.  Imase sa anit at buhok sa loob ng 15-30 minuto, tiyak na may magic itong dulot.

Milk and honey mask

Paghaluin lamang ang 1-tablespoon ng  honey at 1 tasa ng full fat milk.  I-apply sa anit at buhok.  Hugasan ng mild shampoo pagkatapos ng 15 minuto.

Fenugreek mask
Ito’y isang uri ng herbal mula sa ibang bansa.  Mabibili ito sa mga tindahan ng mga pagkaing Indian.  Nakatutulong ito sa mga ina na makapg-prodyus ng maraming gatas sa dibdib pagkapanganak.  Ginagamit din itong gamot sa mga sakit.  Bagama’t wala at madalang ito sa bansa, pwede din itong i-consider.  Malay mo may mga kaibigan kang nagdadala nito mula sa abroad.

Kailangang ibabad ng buong magdamag ang fenugreek seeds sa konting tubig, sapat lang na mababad at hindi lunurin sa tubig.  Gilingin ang mga buto ng pinong-pino kinabukasan at i-apply sa buhok.  Hugasan ito ng mild shampoo matapos ang 15-20 minuto.

Olive and egg mask

Paghaluin ang 2 binating itlog at ang 5 tablespoons ng olive oil hanggang lumapot. Imasahe sa ulo.  Takpan ang buhok ng shower cap at hayaan ito ng 30 minuto para pumasok ang langis sa ulo.  Hugasan ng mild shampoo pagkatapos.

Banana and almond mask
Patakan ng konting almond oil ang isang pirasong dinurog na saging.  Haluing mabuti at imasahe sa buhok.  Hugasan ito ng mild  shampoo pagkatapos ng 15-30 minuto.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply