DA inalerto vs FMD, bird flu

ITINAAS na ng Department of Agriculture (DA) ang alerto laban sa mga pangunahing sakit ng hayop na kinabibilangan ng foot and mouth disease na nakaapekto na sa tatlong milyong baka sa South Korea.

Napag-alaman na nagbaba na ng direktiba si Agriculture Secretary Proceso Alcala sa lahat ng sangay ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa buong bansa para magpatupad ng mahigpit na bio-security measures.

Maliban sa BAI, inatasan na rin ng kalihim ang iba pang livestock agencies ng DA tulad ng Philippine Carabao Center (PCC), National Dairy Authority (NDA), National Meat Inspection Service (NMIS), at Livestock Development Council (LDC) na kumilos kaugnay ng naturang usapin.

Aniya, kailangang tumutok ng husto ang BAI at iba pang livestock agencies para masiguro ang kaligtasan ng ating mga pagkain upang magawang globally-competitive ang ating mga karne at iba pang livestock at poultry products.

“We must prevent FMD and avian influenza (bird flu) from reaching our shores,” ani Alcala sa pagdiriwang ng 81st anniversary ng DA-BAI, sa Diliman, Quezon City, na dinaluhan ng stakeholders ng livestock at poultry industry noong Marso 8, 2011.

“Kung may duda tayo, huwag na natin itong palampasin. At huwag na rin tayong umasa sa dati nating ginagawa,” aniya pa.

Idinagdag pa ng kalihim na napakahalaga na makapagpatupad ng hygienic farm practices na sasamahan ng pagbibigay proteksyon sa kalusugan ng mga hayop sa kabuuan ng food supply chain.

Ayon pa kay Alcala, ipatutupad ang alerto sa lahat ng babuyan at manukan, pamilihan, planta sa pagproseso ng mga karne, at quarantine checkpoints, gayundin sa lahat ng daungan upang hindi makapasok sa bansa ang FMD, at avian influenza o bird flu.

Kasabay nito ang mahigpit na koordinasyon sa pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan upang matiyak na ligtas ang suplay ng iba’t ibang uri ng karne na mabebenta sa publiko.

Ang Pilipinas ay naideklara nang ligtas sa FMD at avian influenza sa kasalukuyan kung kaya nakakapagbagsak na ito ng produktong karne sa Japan, Malaysia, Brunei, Nepal at hanggang sa Gitnang Silangan. Robert C. Ticzon

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply