Dasal hindi uubra sa korap na gawa

KATAKOT-TAKOT na pagdarasal ang isinagawa natin para maisalba lang sa bitayan sina Sally Ordinario Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo.

Pero malinaw na hindi umubra. Ngayon nga ay nakauwi na ang kani-kanilang mga pamilya dala ang labis na kalungkutan sa hindi napigilang pagbitay sa tatlo.

Tanging ang abo ni Credo ang naiuwi ng kanyang pamilya at sa mga susunod na araw pa lang darating ang mga bangkay nina Villanueva at Batain.

Ano kaya ang naging diperensiya? Nagbunga naman ang mga dasal natin sa ilang hinatulan din ng bitay sa ibang mga bansa, lalo na sa mga Arabong bansa.

Dahil ba sa hindi gaanong naniniwala sa Diyos ng mga nasa Pilipinas ang mga nasa Tsina?
Siguro ay hindi.

Malamang pa na hindi tayo sumusunod sa kasabihang “Sa Diyos ang awa, sa tao ang gawa.”

Sa ibang salita, mga Bro, gagawa-gawa tayo ng mga kalokohan pagkatapos ay hihingi tayo ng awa? Sino namang may matinong kaisipan ang magpapakita ng awa sa tahasan at lantarang paggawa ng krimen ng humihingi ng awa?

Bilang bansa, nagkakaroon din tayo ng hindi magandang rekord sa paggawa ng ating mga tungkulin.

Halimbawa, paano nakalusot ang mga kilo-kilong heroin at iba pang droga mula sa ating mga paliparan?

Sabi ng mga taga-airport, world class ang ating mga pasilidad sa mga airport laban sa krimen at kaya nilang i-detect ang mga droga, bukod sa sniffing dogs.

Pero nakalulusot pa rin ang mga kilo-kilong droga at sa Tsina pa nasasabat. Hindi kaya may mga tarantado sa ating mga paliparan na nagpapalusot sa mga droga?

Isa pa, wala pang gaanong pabrika ng heroin sa mahal kong Pinas.

Kaya naman imported ang mga ito. Paano nakapapasok sa Pinas ang droga at pagkatapos ay ilalabas din papunta sa ibang mga bansa?

May diperensiya tayo, mga Bro. Mayroon tayong hindi ginagawa.

O kung may ginagawa man tayo, puro kalokohan kasama na ang pagpapalusot ng droga.

Paano ngayon pakikinggan ng Diyos ang gawang ito ng sarili nating kababayan?

Puro kapahamakan ang pinaggagawa ng mga korap sa airport.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply