Dating palaboy ngayo’y imbentor

ISANG dating  palaboy noong kaniyang kabataan si Antonio “Tony” Agtoto, 53,  na tubong Iloilo, dahil sa ayaw siyang pag-aralin ng kaniyang mga magulang nang makatapos ng elementarya.  Bilang pagrerebelde, sumakay siya ng barko na ang buong akala niya ay patungong Maynila subali’t patungo pala itong Mindanao.  Dito nagsimula ang kaniyang pakikipagsapalaran sa buhay.

Sa pagkakapadpad nito sa Davao, bahagi ng Mindanao, kinupkop siya ng mga madre ng Dominican Order at dito na siya nagtapos ng high school sa  Maryknoll High School bilang ‘salutatorian’ bagama’t malayo sa piling ng mga magulang.

Dahil nais ng mga madre na maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral dahil naniniwala sa kaniyang kakayahan, napadpad naman si Tony sa  Maynila taong 1985.

Inirekomenda siya ng Dominican Order  sa  Sto. Domingo, Quezon City  at inihabilin sa mga pari dito para may matuluyan habang nag-aaral.

Pumasok siyang katulong ng mga  pari dito para may ipanustos sa kaniyang pagko-kolehiyo.

Kumuha siya ng kursong Civil Engineering (CE) sa Technological Institute of the Philippines (TIP).

Pagdating niya sa 3rd year muli siyang umulit sa 1st year sa San Juan de Letran College  dahil nag-shift siya sa kursong Commerce major in accounting bilang academic scholar.   Natapos niya ang kurso pero  hindi kumuha ng  board examination.

Sa edad na 30,  habang nag-aaral pa,  nakilala niya ang babaing nagpatibok ng kaniyang puso  na inakala niyang dalaga. Inilihim ng babae na siya ay isa ng byuda at may tatlong anak.

Nagbunga ang kanilang pagmamahalan at sa payo ng mga madre at pari, pinanindigan niya ang kaniyang responsibilidad sa dalawang anak.  Pinakisamahan niya ang ina ng mga anak habang hindi pa nakapagtapos ang mga ito.  Nagyon kapwa na mga guro ang mga anak.

Makalipas ang halos tatlong taon, tuluyan nang nagsarili si Tony at dinadalaw na lamang siya ng kanyang mga anak. Na ngayo’y kapwa mga iginagalang na guro.

Dahil may pinag-aralan at makapagsimula ng panibagong buhay bilang isang indibiduwal, nakapag-imbento ng isang makina si Tony.  Mula sa pagkakarpentero  hanggang sa electronics ay nakatuklas siya ng isang makina na ‘exclusively designed for Styro Arts’ na tinawag niyang “styro electro cutter.”  “Ito ay handy, economical and easy to use,” ayon kay mang Tony.

Ito ay  80 porsiyentong yari mula sa kahoy na materyal.  Ibinebenta niya ng P5,000 kada isa ang makina na may ‘cutter at slicer.’  Nagkakaiba ang presyo nito depende sa klase at gusto ng mamimili.  P2,500 ang pinakamaliit; P3,500 ang malaki.

Kung wala naman siyang naibebentang makina, siya na rin mis mo ang gumagawa ng mga produkto na mula sa recycled materials na styrofoam dahil  hindi siya pumapayag na wala siyang kita.  Mula sa basurang mga styro, kinokolekta niya ito at ginagawang  mga ‘letra’  at iba’t ibang desenyong pangdekorasyon at key chains.

Bawat isang letra ay P14 o kung minsan ay depende sa laki at desenyo na nais ng customer.  Siya ay may regular na pwesto  malapit sa Quezon Memorial Circle, isa sa pasyalan na dinarayo ng mga tao.

Sa ngayon ipinagpapatuloy ito ni Tony at ito ang nagsisilbing ‘bread and butter’ niya.  Dito niya kinukuha lahat ng kaniyang gastusin.

“Nakasasapat naman ang kita ko.  Katunayan walang tigil ang orders mula sa mga eskwelahan, opisina at maging sa mga personal na gamit para sa sariling kawrto sa bahay ng mga bata,” ani Tony na isa sa nakilahok sa katatapos na Innovations For Business Expo 2011 sa pangunguna ng Technology Resource Center (TRC) ng Department of Science and Technology (DOST).  Ito ay isinagawa sa Mega Trade Hall, SM Megamall, Ortigas, Mandaluyong City.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply