Deal daw kay Lacson sa ‘Impeach Merci’ itinanggi ni PNoy

WALANG naganap na kasunduan sa pagitan nina Pangulong Benigno “PNoy” Aquino, III at Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa proseso ng Impeachment ni Ombudsman Merceditas Gutierrez sa kanilang pagkikita sa Palasyo nitong nakalipas na Martes, Marso 29.

Sa pagkumpirma Huwebes, Marso 31, ni Pangulong Aquino sa naturang pagkikita nila ng senador, binigyang diin nito na hindi natalakay o naging bahagi ng kanilang usapan ang didinggin na Articles of Impeachment laban kay Gutierrez, kung saan kabilang si Lacson na uupo bilang senator-judge.

Ayon sa Punong Ehekutibo, pawang kumustahan at ibang mga bagay ang namagitan sa kanilang pag-uusap ng senador matapos ang may 13 buwan nitong pagtatago upang maiwasan ang inilabas noon na warrant of arrest kaugnay sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa Dacer-Corbito double murder case.

Kinumpirma pa ng Pangulo na natalakay rin nilang dalawa ni Lacson ang isyu ng pork barrel na hindi tinatanggap ng senador at ang mga plano nitong isusulong na panukalang batas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso kung saan ay nagkasabay na umupo.

Tinanong din ng Pangulo si Lacson kung posibleng tanggapin na niya ang nakalaan sa kanyang tanggapan na pork barrel na sinimulang tanggihan ng senador sa panahon ng administrasyon ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

“Noong araw nagre-refuse siya sa tinatawag na PDAF di ba? Tinanong ko ‘yong PDAF. Mas matino na ang paggastos ngayon, interesado ka ba with the entitlements? So he said, maintain na lang niya ang stand niya na hindi niya tatanggapin,” kuwento pa ng Pangulo.

Idinagdag naman ni Pangulong Aquino na hindi siya interesado na mabatid pa ang mga detalye kung saan-saan nagtago o kung sinu-sino ang mga personalidad na tumulong sa senador upang maiwasan na madakip kaugnay sa nasabing kaso. Axel Sam

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply