Depensa sa Maguindanao massacre duda sa NBI medico legal officer

DUDA ang isang abogado ng depensa sa testimonya ng medico-legal officer na saksi sa Maguindanao massacre dahil sa kabiguan umano nitong magsagawa ng eksaminasyon na maaaring maglahad ng posibilidad na iba ang naging dahilan ng pagkamatay ng ilang biktima.

Umusbong ito sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 nang magsagawa ng cross examination si Atty. Charlton Romero kay Dr. Ruperto Sombilon, Jr., medico-legal officer ng National Bureau of Investigation (NBI).

Si Romero ang abogado ni Insp. Rex Diongon at Mohammad Sangki na nais gawing state witness ng prosekusyon ngunit hindi pa rin sila nawawala sa listahan ng mga akusado sapagkat hindi pa nakakapagdesisyon ang korte hinggil dito.

Si Sombilon ang nagsagawa ng awtopsiya sa 2 sa 57 biktima sa massacre.

Nang tanungin siya ni Romero, inamin ni Sombilon na hindi siya nagsagawa ng anumang eksaminasyon upang mabatid kung ang mga biktimang kanyang sinuri ay nalason.

Sinabi ni Romero sa mamamahayag na maliban sa natamong tama ng bala ng baril ng mga biktima, hindi na tiningnan ni Sombilon kung may iba pang anggulo ang kanilang pagkamatay.

“Medico-legal witnesses are merely giving expert opinions in their testimonies and it is the court that would evaluate the merit of their testimonies. Failure to observe the protocols (in their examination) could put their testimony in doubt,” aniya.

Inamin din ni Sombilon na hindi tulad ng ibang medico-legal officers na nagsagawa ng awtopsiya sa ibang mga biktima, hindi rin siya nagsagawa ng pagsusuri para mabatid kung naabusong seksuwal ang mga biktima.

Sa kanya ring naunang testimonya, inamin ni Sombilon na hindi rin siya nagsagawa ng mga eksaminasyon upang malaman kung nagpaputok ng baril ang mga biktima bago sila namatay. Robert C. Ticzon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply