DFA todo-bantay sa kaguluhan sa Saudi

MATAIMTIM na minamatyagan na rin ng Department of Foreign Affairs ang mga sunud-sunod na kilos-protesta sa bansang Kingdom of Saudi Arabia upang makapagsagawa ng mga hakbangin para sa kaligtasan ng mga overseas Filipino worker sakaling sumiklab ang kaguluhan doon.

Sa isang panayam, sinabi ni DFA Assistant Secretary Ed Malaya, pupulungin ngayong linggo ni acting Secretary Alberto del Rosario ang mga matataas na opisyal ng kagawaran upang magbalangkas ng mga pamamaraan upang matiyak ang organisadong pagpapalikas sa mahigit isang milyong OFW sa nasabing bansa.

Ayon pa kay Malaya, nagsasagawa na ng pagtatasa o pagbabalik-tanaw ang kagawaran kaugnay sa ginawa nitong aksyon sa krisis sa Libya, at handa ang pamahalaan na magpatupad ng contingency measures sakaling lumaganap ang kaguluhan sa Saudi Arabia.

Sinabi rin ng tagapagsalita ng kagawaran na regular ang pagbibigay ng ulat ng mga opisyal ng embahada sa Saudi sa kalihim upang matasa ang kalagayan doon.

Batay sa pinakahuling ulat ng DFA, minaliit lamang ng pamahalaang Saudi ang naganap na kilos-protesta sa silangang lalawigan at umaasa ang awtoridad na hindi ito kakalat sa buong kapuluan.

Magkagayunman, nanawagan pa rin ang militanteng grupong Migrante kay Pangulong Benigno Aquino III na magtalaga na nang ambassador ng Pilipinas sa Saudi upang personal na tutukan ang kalagayan doon.

Ayon sa Migrante, nararapat lamang na humirang na si Pangulong Aquino ng ipapalit kay dating Ambassador Antonio Villamor na siyang personal na tututok sa sitwasyon sa bansang mayaman sa langis.

“We could not understand, despite clamor from Saudi-based OFWs, why PNoy could not appoint a Philippine envoy to Saudi particularly now that the latter’s services are badly needed in time of political uncertainties in the Arab region,” dagdag pa ng Migrante.

Ang Saudi ang pangunahing pinagdadalhan ng mga OFW kung saan umaabot sa 1.2 milyon ang mga manggagawang Pilipino doon at nagpadala sa bansa ng US$1.5M bilang remittances noong isang taon. Freddie Cortez

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply