‘Diploma mill’ sa Recto lulusawin ng Senado

MALAPIT nang matapos ang maliligayang araw ng mga namemeke ng diploma at iba pang mahahalagang dokumentong pampubliko at pribado sa tinaguriang Recto University dahil nakatakdang lumikha ng isang batas ang Senado hinggil dito.

Sa Proposed Senate Resolution No. 419 na inihain kamakailan, nais ni Sen. Manny Villar, magsasagawa ng kaukulang imbestigasyon ang Senado upang makalikha ng batas na magtataguyod sa integridad at authenticity ng pampubliko at pribadong dokumento.

Sa ngayon, sinabi ni Villar na patuloy na namamayagpag ang mga professional at master forger ng pekeng diploma sa kolehiyo, transcript of records, ID at iba pang school credentials sa tinaguriang “Recto University” na pawang maliliit na tindahan sa C.M. Recto Ave., at sa ilang eskinita sa Quiapo at Sta. Cruz, Maynila.

Maging pekeng clearance ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police at pekeng dokumento ng Land Transportation Office (LTO) ay nakakakuha rin sa Recto.

Ani pa ni Villar, ginagawang front ng ganitong ilegal na aktibidad ang maliliit na printing shops, second-hand bookstore, art at cross-stitch supply shops, locksmith, gawaan ng relos at iba pang maliliit na tindahan.

Sa kabila ng isinagawang paglusob at pagbuwag sa mga maliliit na tindahan sa lugar  na isinagawa ng Manila City Hall, nagpapatuloy pa rin umano ang sindikato sa Recto University dahil protektado sila ng tiwaling opisyal ng pulisya na sumasakop sa lugar.

Nais naman malaman ni Villar kung bakit kinansela ni dating CHED Chairman Romulo Neri ang kasunduan ng ahensiya sa National Printing Office (NPO) upang lumikha ng “highly securitized” at “tampered-proof” paper para gamitin sa pag-iimprenta ng diploma sa lahat ng unibersidad sa bansa.

“Masyado nang talamak ang problema ng bansa sa pekeng diplomang nakukuha sa Recto University na lumalakas tuwing panahon ng graduation kaya’t nararapat nang tuldukan ang ganitong gawain at prottektahan ang ating mga institusiyon,” ayon kay Villar. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply