DOH mangunguna sa ‘radiation watch’

PANGUNGUNAHAN ng Department of Health (DOH) ang screening sa mga airports upang matiyak kung gaano kaligtas mula sa radiation ang mga produktong pumapasok sa bansa mula sa Japan dahil sa pagsabog sa isang nuclear power plant doon.

Ito ang ipinahayag ni Deputy Presidential Spokersperson Abigail Valte matapos ang ginawang briefing ng ilang piling opisyal ng gobyerno kaugnay sa posibleng peligrong dulot ng pagsabog ng nuclear plant sa Fukushima, Japan kasunod ng malakas na paglindol at tsunami roon.

Tiniyak naman ni DOH Secretary Enrique Ona sa publiko na ligtas ang Pilipinas mula sa radiation na magmumula sa Fukushima power plant.

“There was no reported meltdown in the damaged nuclear power plant. As of 11 a.m. today the wind pattern in Japan indicates that the Philippines is unlikely to be hit by any radioactive fallout from Fukushima,” ayon kay Ona.

Patuloy na mino-monitor ng Philippine Nuclear Research institute (PNRI), isang ahensiya ng Department of Science and Technology (DOST), ang sitwasyon sa pamamagitan ng air testing kada ikalawang oras upang matukoy kung may dumarating na radiation sa bansa dala ng hangin.

Ayon sa PNRI, sa kasalukuyan ay malinis at hindi pa kontaminado ang hanging pumapasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Sa panig naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), three days ahead ang monitoring nito sa direksiyon ng hangin base sa datos na hatid ng radar.

Nilinaw ng ahensiya na ang hangin ay patungong northeast at papalayo sa Pilipinas kaya’t walang dapat na ipangamba ang mga Pilipino.

Gayunpaman, nangangamba pa rin si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino, III sa isyu ng radiation dahil nakasalalay dito ang kalusugan ng mga Pilipino.

Ipinaliwanag naman ng International Atomic Energy Agency na normal ang radiation levels sa paligid ng Fukushima nuclear plant bagama’t nagkaroon ng ikalawang pagsabog kamakalawa. Linda Bohol

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply