Doktor ng mag-asawang Ligot sinubpoena ng Senado

INATASAN ni Senate President Juan Ponce Enrile ang doktor ng Senado na suriin at tukuyin ang tunay na kalagayan nina dating AFP comptroller B/Gen. Jacinto Ligot, at misis nito na si Erlinda matapos mabigong dumalo sa pagdinig hinggil sa korapsiyon sa militar.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona Jr., nakita na tila nairita si Enrile sa katuwiran ng mag-asawang Ligot na hindi sila makadadalo sa pagdinig sanhi ng sakit.

“I understand according to the chair, a lawyer filed a manifestation to the committee that Mrs. Ligot is sick but no medical certificate and that gen. Ligot is suffering from a flu but no medical certificate,” ayon kay Enrile.

Sinabi ni Enrile na kung posibleng may sakit ang mag-asawang Ligot, dapat may isinumiteng medical certificate ang mga doktor nito upang patunayan ang kalagayan kaya hindi nakadalo sa pagdinig.

Sinabi pa ni Enrile na hindi siya papayag na gawing inutil ninuman ang Senado kaya kailangan magpalabas ng kautusan sa mga doktor ng Senado na personal na magtungo sa tahanan ng mag-asawang LIgot upang magsagawa ng pagsusuri at mag-ulat sa Upper Chamber.

Dahil dito, inatasan ni Guingona ang Senate Medical and Dental Division na kaagad magtungo sa tahanan ng mag-asawang Ligot upang suriin ang dalawa at magsagawa ng kaukulang ulat.

Inatasan din ni Enrile ang komite na isagawa ang naturang ulat ng Senate doctor sa pamamagitan ng sworn statement upang maging materyal na ebidensiya sa naturang imbestigasyon.

Inihayag din ni Guingona na papadalhan ng subpoena ang mag-asawang Ligot kabilang ang mga doktor na sumuri at nagbigay ng reseta hinggil sa kanilang naging sakit. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply