Dormitoryo sa Maynila susuyurin

MAGSISIMULA na ang lokal na pamahalaan ng Maynila na magsagawa ng inspeksiyon sa daan-daang dormitoryo na sakop ng lungsod.

Sinabi nina  Engr. Melvin Balagot, chief ng City Building Office at City Administrator Jay Marzan sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan na binigyan sila ng direktiba ni Manila Mayor Alfredo Lim para tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante na nanunuluyan sa mga dormitory.

“Magsasagawa na kami ng mga inspeksiyon sa dormitory, simula na ang bakasyon ng mga estudyante kaya ito na ang pagkakataon namin para mag-inspeksiyon ng kanilang tinutuluyan para matiyak na ligtas ang mga estudyante kapag may lindol, tsunami at sunog,” ayon kay Balagot.

Ang istruktura ng dormitoryo, fire exit, ventilation at sanitary ng mga dormitory ay kabilang sa kanilang susuriin.

“Araw-araw naman nagsasagawa kami ng inspeksiyon, yan ang hindi pinababayaan ng aming opisina,” ayon pa kay Balagot.

Tiniyak naman ni Marzan na irerekomenda nila ang pagpapasara sa mga dormitory na mapatutunayan na may paglabag sa Building Code.

Samantala, pinayuhan rin ni Balagot ang mga magpapagawa ng istruktura na mas makabubuti na kumuha sila ng engineer na nakaaalam sa paglalagay ng mga pundasyon ng kanilang ipagagawang bahay o gusali para makatiyak ng kaligtasan sa panahon ng kalamidad.

Kasabay nito, sinabi ni Balagot na may 20 gusali sa Maynila ang kanilang inirekomendang gibain pero hanggang ngayon ay nakaapila pa lahat sa Department of Public Works and Highway. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply