Ebidensya vs Ombudsman inilatag sa Kamara

ISA-ISA nang inilatag sa House committee on justice ang mga reklamo at ebidensya para tuluyang mapatalsik sa pwesto si Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Si Akbayan Partylist Rep. Kaka Bag-ao, isa sa endorsers ng impeachment case ang nagpresenta ng reklamo at ebidensya ganap na 10:05 ng umaga na pinangungunahan ng chairman at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr.

Sa pagsisimula ng pagdinig ay pinadebatehan muna kung ano ang magiging definition ng komite sa salitang “probable cause” at panukalang suspension ng rules ng komite.

Batay sa unang impeachment case na inihain nina dating Rep. Risa Hontiveros-Baraquel, Danilo Lim, Felipe Pestaño at Evelyn Pestaño, kanilang inireklamo si Gutierrez batay sa mga sumusunod: ang low conviction rate mula 2008 na nagpapakita umano ng pagiging incompetence sa trabaho na malinaw aniyang betrayal of public trust; pagkabigo na aksiyunan at upuan ang mga kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno kasama na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mister na si dating First Gentlemen Jose Miguel Arroyo na may kaugnayan sa NBN-ZTE broadband project; pagka-delay na tapusin ang kaso sa kuwestyunableng pagkamatay noon ni Navy Ensign Philip Andrew Pestaño; pagdedeklara ng Ombudsman na “legal” ang pag-aresto at pagkulong ng PNP kay Baraquel noong March 2006 na isang paglabag sa Revised Penal Code; pagkabigo ng Ombudsman na imbestigahan ang posibleng kamalian sa dinner ng presidential party ng dating Pangulong Arroyo sa sikat na restaurant na Le Cirque sa New York noong August 2009 kung saan gumastos ng P1 milyon; mga aksiyon ni Gutierrez na paglabag sa Konstitusyon at pagtanggi umano ng Ombudsman ang agarang pagbibigay access sa publiko ng mga records tulad ng statement of assets and liabilities and net worth (SALN) ng mga public officers na violation ng Saligang Batas.

Humarap naman bilang testigo sina Baraquel at ama ni Philip na si Felipe Pestaño para sa nabanggit na reklamo.

Ang pangalawang impeachment complaint ay inilatag ni Teddy Casiño na may kaugnayan sa kaso ng tinaguriang PNP Euro generals, fertilizer fund scam at Mega Pacific automation deal.

Balak ng kanilang grupo na magpresinta ng anim na mga testigo sa komite.

Ginaganap ang pagdinig sa Belmonte hall sa south wing annex ng Batasan Complex, Quezon City. Remate Online

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply