Ekonomiya ng Pinas apektado rin ng kalamidad sa Japan

NANAWAGAN kahapon si Sen. Manny Villar sa Department of Trade and Industry at Department of Labor and Employment na magtalaga ng magkatuwang na contingency plan para isalba ang mga kompanya at mga manggagawa na maaapektuhan sa paghina ng ekonomiya ng Japan.

Ayon kay Villar, chairman ng Senate committee on trade, ang  mga kompanya ng Hapones ang namamayagpag sa Clark Field sa Pampanga.

Batay sa talaan ng Clark Development Corporation noong 2008, 35 na kompanya o 26.75% sa mga foreign investments sa Clark Freeport ang pinatatakbo ng mga Japanese investors.

Aabot umano sa 580 kompanya pa na may Japanese equity ang nakakalat sa buong bansa. “Kahit umaasa tayo na maging maayos ang lahat, kailangan pa rin nating paghandaan ang magiging epekto ng trahedyang tumama sa Japan.”

Giit ng senador, tumaas sa 7.4% ang unemployment rate sa bansa noong Enero. Katumbas ito sa 2.9 milyong Pilipino na walang trabaho. Hindi pa kasama dito ang bilang ng mga nawalan ng trabaho sa ibang bansa at sa Pilipinas dulot ng iba’t-ibang problema at krisis.

“Kailangan nating palaguin ang ekonomiya at pamumuhunan sa bansa upang matulungan ang ating mga kababayang walang trabaho at nawalan ng trabaho,” ani Villar.

Iginiit din ni Villar na pinagtibay ang 2011 national budget noong hindi pa nangyayari ang iba’t-ibang trahedya at krisis sa mga bansang pinagta-trabahuan ng mga OFWs. “Nagsasagawa ng repatriation at rescue efforts ang ating gobyerno gamit ang pondo ng OWWA.  Ang pondong ito ay para sa mga OFWs at dapat na ito ay maibalik sa kanila sa tamang panahon.”

Hinikayat din ni Villar ang DTI at Department of Agriculture na maglunsad ng programang magsusulong sa agri-business bilang alternatibong kabuhayan at mapagkakakitaan. Vicky Cervales

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply