Formal Entry naabutan si Ansila

KINAPOS ng hininga si outstanding favorite Ansila kaya naabutan siya ni Formal Entry bago tumawid ng meta sa isang Special Class Divisions 14-AB na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Agresibong kinuha ni Ansila ang unahan sa largahan sakay ang hinete na si class A rider Kelvin Abobo upang mamayagpag sa unahan hanggang sa far turn.

Subalit bago pumasok ng huling kurba ay unti-unting nakalapit si Formal Entry at ang nagdadala sa kanya na si star jockey Jonathan Basco Hernandez.

“Hindi ako sumabay sa kanya (Ansila) sa unahan kasi baka kapusin kami. Alam naman natin kung gaano katapang si Ansila kumuha ng bandera, kaya dito na lang sa far turn kami gumalaw,” paliwanag ni Hernandez, dating jockey of the year ng Philippine Sportswriters Association (PSA).

Sa rektahan, nagkapanabayan na sina Ansila at ang winning horse. Bandang huling 50 metro ng laban na lamang nakaungos ng malinaw ang huli upang pagwagian ang nasabing karera.

Sumegundo si Ansila habang tumersero at pumang-apat sina Mark This Bird at Red Soldier, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, nakopo ni second choice Muralla ang added prize na P10,000 na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (Philracom) matapos manalo sa three-year-old Maiden 1 race. Elech Dawa

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply