Gapangan sa impeachment nagsimula na

NAGSIMULA na ang gapangan sa impeachment.

Ito ang ibinunyag ngayon ni Iloilo Rep. Neil Tupas, Jr, chairman ng House committee on Justice, matapos siyang alukin umano ng isang mataas na opisyal ng Office of the Ombudsman.

Sinabi ni Tupas na nagtungo sa kaniyang tanggapan si Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro sa SWA-313 Batasan Office upang arborin ang dalawang impeachment complaints laban kay Ombudsman Ma. Merceditas Gutierrez kapalit diumano ng pagbasura sa kasong graft laban sa kanyang ama na nakasampa sa Sandiganbayan.

Ayon kay Tupas naganap ang pag-aalok sa kaniya pagkatapos mapagbotohan ng komite na supisyente ang dalawang reklamo noong Sept. 1 at 7, 2010.

Sinabi ni Tupas na kasama umano ni Casimiro si Deputy Special Prosecutor Robert Kallos nang ialok ito na kanya namang tinanggihan.

Ang naturang usapin ay nasaksihan ng kanyang kapatid na si dating Barotac Viejo Mayor Raul Tupas at staff na si  Atty. Jonar Pueblo.

Matapos tanggihan ang alok, sinabi ni Tupas kina Casimiro at Kallos na wala siyang awtoridad na ibasura ang impeachment complaints laban kay Gutierrez.

Nang tanungin kung bakit ngayon lamang ibinunyag ang umano’y alok, sinabi ni Tupas na ayaw niyang maapektuhan ang impeachment proceedings.

“Kaya lang pini-personal na kami lalo suspect ang timing ng pag-junk nila sa motion for reconsideration ng father ko,” anang mambabatas.

Noong Miyerkules, Marso 2, tinanggihan ng Office of the Special Prosecutor (OSP) ang motion for reconsideration laban kay dating Iloilo Gov. Niel Tupas, Sr. kaugnay sa kasong graft na nakaharap sa Sandiganbayan First Division.

Kinuwestiyon ng nakababatang Tupas ang timing ng resolution na tumatanggi sa May 3, 2010 motion for reconsideration ng kanyang ama na nag-ugat sa desisyon na magbigay ng quarry permit sa hindi kuwalipikadong private contractor na nagsisilbi umanong dummy sa ibang kumpanya.

Bukod dito, sinabi  ng nakababatang Tupas na sinulatan umano ni Gutierrez si Ombudsman Visayas na buhayin ang nadismis na reklamo kaugnay sa sirang kalsada sa Iloilo na pinondohan ng kanyang pork barrel. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply