Gen. Ligot nasa kulungan na ng Senado

TULUYAN nang ikinulong ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee si dating AFP comptroller B/Gen. Jacinto Ligot matapos pekein ang pagkakasakit kaya’t hindi nakadalo sa pagdinig hinggil sa iniimbestigahang pabaon sa AFP.

Huwebes ng gabi, Marso 24, dumating si Ligot sa Senado kasama ang abogado nito kabilang ang ilang arresting officers mula sa Office of the Sergeant-At-Arms ng Senado (OSAA).

Ikinulong si Ligot sa isang maliit na kuwarto sa tanggapan ng OSAA na walang bintana at may sariling kama at isang palikuran.

Pansamantalang ipinagpaliban ng komite ang pagpapaaresto kay Erlinda Ligot sanhi ng kalayagang pangkalusugan na madedetermina lamang ng mga dalubhasa upang magkaroon ng desisyon kung itutuloy ang pagdakip o hindi, ayon kay Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng komite.

Nitong hapon ng Huwebes, nakakuha ng sapat na lagda ang komite upang tuluyan nang arestuhin ang dating heneral matapos itong mabigo dumalo sa ipinatawag na pagdinig sa pamamagitan ng ipinalabas na subpoena.

Idinahilan ng abogado ng mag-asawang Ligot na kapwa sila may sakit at hindi maaaring makadalo sa pagdinig na siyang naghudyat kay Senate President Juan Ponce Enrile na ipasuri sa doktor ng Senado ang kalagayan ng dalawa.

Makalipas ang ilang oras, iniulat ni Dr. Mariano Blancia sa Senado na walang katotohanan ang ibinigay na impormasyon ng abogado ng mag-asawang Ligot na may sakit ang dalawa dahil natuklasang normal ang blood pressure nito at maaaring makadalo sa pagdinig.

Kaagad naghain ng mosyon si Sen. Jinggoy Estrada upang ipaaresto ang mag-asawang Ligot kaya kaagad nagpaikot ng resolusyon ang komite na naghaharap ng kasong contempt laban sa mag-asawa matapos nitong “lokohin” ang komite.

Anim kaagad ang lumagda sa resolusyon na nasundan pa ng ilan sa pangunguna ni Guingona kasama sina Sens. Sergio Osmena, Gringo Honasan, Juan Miguel Zubiri, Ramon Revilla, Ralph Recto, Pia Cayetano, Francis “Kiko” Pangilinan Franklin Drilon, Estrada at Senate President Juan Ponce Enrile bilang mga ex-officio.

Sa ganitong punto, kaagad nagpalabas ng arrest order si Enrile base sa resolusyon na nilagdaan ng mahigit siyam na senador na siyang kailangan na bilang upang makasuhan ng contempt ang isang indibiduwal na ayaw dumalo o nanloloko at nagsisinungaling sa Senado.

“Nakuha na namin ang necessary signatures para ma-order in detention si Mr. and Mrs. Ligot. However, due to humanitarian reasons, we are suspending the carrying out of the detention order for Mrs. Ligot due to her health problems,” ayon kay Guingona.

Sinabi pa ni Guingona na sakaling madetermina ng mga doktor kung maaaring arestuhin si Mrs. Ligot, hindi mangingimi ang Senado na ihain ang arrest warrant.

“Until her health improves. That’s a medical condition that can only be determined by doctors, not us.” Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply