Ginang nabiktima ng Budol-Budol Gang

TINATAYANG aabot sa P600,000 halaga ng alahas at cash ang natangay mula sa isang 52-anyos na ginang ng mga miyembro ng Budol-Budol Gang Biyernes ng hapon sa Sampaloc, Maynila.

Personal na dumulog sa General Assignment Section ng Manila Police District (MPD) ang biktima na si Rebecca Navarrete ng 1310 Ibarra St., Sampaloc, Maynila.

Sa report ni PO2 Gilbert Isole, imbestigador ng MPD-GAS,  sa pagitan ng ika-1:35 at ika-4 ng hapon noong Biyernes, Marso 4, nang maganap ang insidente sa  Dapitan malapit sa kanto ng Galinosa St., sa nasabing lugar.

Kasalukuyang tinutugis ang limang salarin, kabilang ang dalawang babae.

Nauna rito, tumawag umano ang isa sa lima sa bahay ng biktima kung saan tanging ang kasambahay na si Roselyn Dales, 35, lamang ang naiwan.

Sinabi ng  salarin kay Dales na maghanda ng malaking halaga ng pera dahil may nangyari umano sa kanyang amo.

Dahil napaniwala ng mga suspek ang katulong ay agad nitong kinuha ang mga alahas at cash ng kanyang amo  na nakatago sa drawer at nakipagkita sa mga suspek.

Sa sinabing lugar ay nagtungo si Dales bitbit ang 38 pirasong ng alahas na umaabot sa halagang P500,000.00,  P80,000.00 na cash  at isang cellular phone.

Nang makuha ng mga suspek ang alahas at pera ay saka sinabihan si Dales na maghintay na lamang ito sa lugar subalit hindi na bumalik pa ang mga suspek.  Jocelyn Tabangcura- Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply