Giyera na naman!

GIYERA na naman! Pinayagan na kasi ng United Nations ang Amerika, Britanya at Pransya na tirahin ang bansang Libya. Ang dahilan: ayaw bumaba ni Muammar Gaddafi sa pwesto.

Umalma ang Libyans sa pagpapatakbo ni Gaddafi sa kanilang bansa. Marami na raw ang paglabag sa karapatang pantao. Gusto na ng Libyans ng demokrasya.

Uminit ang protesta at pag-aalsa ng Libyans. Nilusob ng mga rebelde ang ilang kampo ng gobyerno. Nagmartsa at nagsisisigaw sa lansangan ang mga gustong patalsikin ang Libyan lider.

Gumanti si Gaddafi. Binaril ng mga sundalo ang ilang mga nag-aalsa. Nilusob ang pwesto ng mga rebelde at mga kalaban ng gobyerno. Nag-utos pa ang lider ng Libya na bombahin ng mga eroplano ang kampo ng mga kumakalaban sa kanya.

Dito na nagdesisyon ang UN at Arab League na umeksena. Tila masaya namang rumesponde agad ang Pransya, na sinundan naman ng Britanya at Amerika.

Ang bilis nga nila. Tila nag-uunahan pa. Gustong mauna sa pagkuha ng premyong langis. Tila baga laro lamang ng mga bansang kanluranin ang paglusob sa Libya.

Nakapagtataka kung bakit sa Libya lang sila interesado habang sa Bahrain naman ay pinagbabaril din naman ang mga nagpo-protesta.

Ayon nga sa mga progresibong grupo dito sa atin, “double standard” ang pagtingin ng mga bansa mula sa kanluran. Tinitira nila si Gaddafi dahil hindi sila pinagbibigyan.

Dapat ngang parusahan at patalsikin ang Libyan lider, pero sana sa ibang paraan. Hindi sa dahas na tila kinasanayan na ng mga malalakas na bansa.

Alam nating sa kalauna’y babagsak din yang si Gaddafi at mananalo ang Amerika, Britanya at Pransya. Mananalo na naman ang mga bansang malakas humigop ng langis.

At sino naman ang talo? Hindi si Gaddafi o ang kanyang mga alipures. Ang tunay na talunan sa anumang gera ay ang ordinaryong mamamayan.

At batay sa ating karanasan, sa lahat na gera, saan mang bahagi ng mundo, laging natatalo ang mga Pinoy. Kung saan-saan kasi tayo napapadpad upang maghanap ng swerte.

Sana naman hindi tayo mapupuruhan sa Libya. Sana naman umiwas ang bala at bomba sa ating mga kababayang naiiwan doon upang tumulong sa mga sugatan. Joe Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply