Gobyerno sinisi sa nakatakdang pagbitay sa 3 OFW sa China

HABANG maaga ay kailangang tulungan na ng gobyerno ang mga Pilipinong may kaso sa ibang bansa bago pa man maibaba ang hatol sa kanila.

Ito ang pahayag ni House Speaker Feliciano Belmonte na may halong paninisi sa gobyerno dahil ngayon lamang binigyan ng sapat na atensyon ang isyu sa tatlong drug mules sa China.

Ayon kay Belmonte, dapat noon pa lamang ay binigyang pansin na ng gobyerno ang pagbibigay ng legal assistance sa mga ito kabilang na ang may 70 pang OFWs na nakakulong sa China.

Sinabi nito na hindi dapat hintayin na umabot pa sa ganito ang sitwasyon bago tulungan at bago kumilos ang mga ahensyang sangkot sa pagkalinga sa mga OFW.

Kasabay nito ay muling umapela ang Akbayan party list sa Chinese government na ipagpaliban ang pagbitay sa tatlong Pilipino.

Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan na palakasin pa ang crackdown sa transnational drug syndicates na nago-operate sa Pilipinas upang mabawasan kundi man matigil ang paggamit sa mga Pinoy bilang drug mules o carriers ng illegal substances sa ibang bansa.

Sa panig naman ni Gabriela Rep. Luz Ilagan ay sinabi niyang dapat na magsilbing “wake up call” sa administrasyong Aquino ang gagawing pagbitay sa tatlong Pilipino sa China sa Marso 30.

Inudyukan niya ang gobyerno na lumikha ng maraming trabaho upang maisalba ang OFWs at huwag nang matulad sa mga mabibitay na sina Sally Ordinario-Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo sa China dahil sa drug smuggling at drug trafficking noong 2009. Meliza Maluntag

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply