Guingona: Merci balakid sa paglaban sa katiwalian

PINANINDIGAN ng tagapangulo ng Senate blue ribbon committee ang report ng kanyang komite na patalsikin si Ombudsman Merceditas Gutierrez at sampahan ng kasong kriminal ang lahat ng special prosecutor na humawak ng plea bargaining agreement ni dating military comptroller Carlos Garcia.

Sa ipinalabas na pahayag kanina, Lunes, Marso 14, sinabi ni Sen. Teofisto Guingona III na matibay ang kanyang paniniwala na nararapat ang rekomendasyon ng Senate blue ribbon committee na patalsikin si Gutierrez kahit nagpahiwatig si Senate President Juan Ponce Enrile na ipatatanggal ang naturang rekomendasyon.

Ayon kay Guingona, iginagalang niya ang pananaw ni Enrile sa naturang rekomendasyon, ngunit mas naniniwala siya sa wisdom ng rekomendasyon ng komite dahil natatangi si Gutierrez na siyang pangunahing balakid sa paghahanap ng katotohanan.

“I have the highest respect for the Senate President and his wisdom. However, I also believe in the wisdom of the recommendation of the blue ribbon committee,” ayon kay Guingona.

Nitong nakaraang linggo, ipinalabas ni Guingona ang Blue Ribbon Committee report na nagrerekomenda na patalsikin sa puwesto si Gutierrez.

Ang ulat ay nilagdaan ng 14 na magiging senator-judge sakaling maisampa ang Articles of Impeachment sa Senado.

Bagama’t may kanya-kanyang reserbasyon ng bawat lumagda sa committee report, ipinagpatuloy pa rin ni Guingona ang paghahain nito sa plenaryo na nakatakdang talakayin ngayong Lunes sa pagbubukas ng sesyon.

Ayon kay Guingona, hindi lamang isang malaking balakid si Gutierrez sa paghahanap ng katotohanan sa likod ng mga katiwalian sa pamahalaan tulad ng multi-milyong “pabaon system” sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nagsisilbi din itong hadlang upang mabawi ng pamahalaan ang ninakaw ng mga dating heneral sa pasuweldo ng mga sundalo.

“The Ombudsman represents the single biggest stumbling block in our quest for truth and in our crusade to recover hundreds of millions of pesos in people’s money that may be lost due to the negligence and lack of prosecutorial will on her part,” giit ni Guingona.

“Her (Gutierrez’s) departure in office is of paramount importance. Therefore, she must resign or be impeached,” patapos ng senador. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply