Guingona napikon kay Gutierrez

NAPIKON si Senate Blue Ribbon Committee chairman Teofisto Guingona III nang kuwestiyunin ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang motibo ng nilalaman ng committee report sa isinagawang imbestigasyon sa Garcia plea bargaining agreement.

Nitong Biyernes, Marso 11, kaagad binuweltahan ni Guingona ang paratang ni Gutierrez na kuwestiyonable ang impartiality ng Senado nang lumagda sa committee report ang 14 senador na magiging hukom sa Impeachment Court.

Ayon kay Guingona, dapat harapin ni Gutierrez ang “tunay na isyu” na iniharap ng Blue Ribbon committee report sa halip na lituhin ang taumbayan at pagdudahan ang akusasyon na kanyang kinahaharap.

“Face the real issues,” ayon kay Guingona.

Sinabi ni Guingona na napilitin siyang sagutin ang paratang sa harap ng sinasabing kampanya ni Gutierrez na isantabi ang mga isyu at ipokus ang atensiyon ng taumbayan sa di makabuluhang argument.

Matatandaan na inirekomenda ng Blue Ribbon Committee Report na patalsikin si Gutierrez sa pamamagitan ng paghahain ng impeachment complaint at sibakin sa puwesto ang lahat ng special prosecutor sa pangunguna ni Atty. Wendell Barreras-Sulit dahil sa maling paghwak ng plea bargaining agreement kay Major Gen. Carlos Garcia.

Aniya, nabigo si Gutierrez na tugunan ang isyu na ipinalutang ng Blue Ribbon Committee Report sa kanyang mga pagsasalita sa media matapos maipalabas ang naturang ulat.

Tinutukoy ni Guingona ang alegasyon ni Ombudsman Gutierrez sa isyu ng impartiality ng mga senador na lumagda sa naturang report.

“May intensiyonal na pagtatangkang pagtakpan ang isyu,” ayon kay Guingona.

Muling iginiit ni Guingona na intensiyon ng Ombudsman at ang grupo ng special prosecutor na humawak ng plea bargaining agreement ni Garcia na “pahinain ang kaso at nakita rin ang kanilang inconsistent stand na lokohin ang kaso at lituhin ang taumbayan.” Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply