Hindi ako gumaganti kay Tupas — Gutierrez

PINABULAANAN ni Ombudsman Merceditas Gutierrez na gumaganti siya kay Justice Committee chairman Rep. Niel Tupas, Jr. kaya nagdesisyon ang Office of the Ombudsman na ituloy ang pag-usig sa kanyang amang si dating Iloilo governor Niel Tupas, Sr.

Ayon kay Gutierez nasa kanilang tanggapan na ang kaso ng ama ni Tupas bago pa man siya masampahan ng impeachment complaint.

“Sila ang gumaganti sa akin,” giit ni Gutierrez na nagsabing kaya minamadali ni Tupas ang pagdinig ng Justice Committee sa impeachment complaint laban sa kanya ay dahil natanggal ang kanyang ama dahil sa kasong kinasangkutan nito.

Matatandan bago nakasuhan ng katiwalian ang matandang Tupas nang maanomalyang maigawad umano nito ang sand and gravel permit sa negosyanteng si Melvin C. Requinto.

Sa isang pulong balitaan sa Sulo Hotel sa Quezon City, sinabi ni Gutierez na nag-inhibit nga siya sa pagdedesisyon sa kaso ng matandang Tupas dahil iniiwasan niyang makulayan ang anumang kalabasan ng desisyon ng Office of the Ombudsman hinggil dito.

Alinsunod sa batas, maaaring ipasa ng Ombudsman sa kanyang mga deputies ang pagdedesisyon sa ilang kaso.

“Hindi ba dapat ganun din ang gawin ni Congressman Tupas? Eh kaso bumoboto pa rin siya,” pasaring pa ni Gutierrez.

Pinabulaanan naman ni Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro na nagtungo siya sa tanggapan ni Congressman Tupas para makipagpalit-kaso kung saan iaatras umano ng Ombudsman ang kaso laban sa kanyang ama basta ibasura lang ang impeachment complaint.

Ipinaliwanag ni Casimiro na iba ang layon nila ni Deputy Special Prosecutor Robert Callos sa pagtungo sa opisina ni Tupas at wala itong kinalaman sa kaso ni Gutierrez. Santi Celario

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply