Habambuhay na kulong sa meyor na kurakot

IPINAKAKALABOSO ng Office of the Ombudsman (OMB) ang convicted na dating meyor ng Castillejos, Zambales matapos mapatunayang winaldas nito ang pondo ng bayan.

Sa desisyon ni Associate Justice Rodolfo Ponferrada, guilty si Teofilo Pantaleon, Jr. sa pagwaldas ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng pagpalsipika sa mga public documents o Art. 217 at 171 koneklatado sa Art. 48 ng Revised Penal Code.

Batay sa report, idineklara ni Pantaleon na ginamit niya ang pondo ng kanilang lalawigan sa pagpapagawa ng mga kalsada at palengke noong 1996, ngunit napatunayang wala namang naipagawa ito.

Si Pantaleon ay nahatulan ng dalawang habambuhay na pagkakulong o reclusion perpetua.

Hindi na rin umano maaaring muling kumandidato sa kahit anong posisyon si Pantaleon kahit pa barangay kagawad.

Pinababalik din ang P201, 706.75 na umano’y kanyang winaldas.

Pinawalang sala naman nina Associate Justices Efren dela Cruz at Rafael Lagos si municipal treasurer Jaime Vallejos dahil sa kanyang pagkamatay bago pa naganap ang paghahatol.

Batay sa mga ebidensya, nabatid na nakipagkutsabahan si Pantaleon kay Vallejos para waldasin ang nasabing public funds sa pamamagitan ng pamemeke ng mga dokumento na nagkakahalaga ng P201, 706.75 para paboran ang La Paz Construction (LPC).

Napatunayan na ang unang kunwaring kontrata ay binayaran ng tseke na may petsang  December 17, 1996 na nagkakahalaga ng P32, 266.48.

Nakapangalan ito sa LPC para sa pagpapagawa ng drainage system at pagpapatayo ng mga market stalls ng Castillejos public market.

Ang iba pang pekeng kontrata ay ginawa at binayaran din umano sa pamamagitan ng tseke noong November 21, 1997 na nagkakahalaga ng P169, 440.27 na para umano sa pagpapaayos ng mga kalsada sa Barangays Casagatan-Looc, Nagbayan-Macupit at San Agustin proper-Mandamquez.

Subalit ibinunyag ni Mr. Tiu Ken Suan, may-ari ng construction company, na wala siyang natatandaang ganoong kontrata sa gobyernong lokal ng Castillejos at wala rin siyang natatanggap na kabayaran.

Pinatunayan naman ng mga testigong iniharap ni Asst Special Prosecutor III Julieta Zinnia Niduaza na walang naganap na road repair projects sa kanilang mga barangay.

Napag-alaman ding walang ipinagawang pampublikong palengke si Pantaleon sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang meyor ng naturang lalawigan. Nenet Villafania

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply