Handler ni Sarah Geronimo kinaiinisan ng mga guro

TUMAWAG sa amin si Prof. Emmanuel Gonzales, isa sa mga dalubguro na bumubuo ng Pasado, isang pampelikulang samahan ng mga dalubguro na taunang nagbibigay ng parangal sa mga artistang pasado sa kanilang panlasa sa iba’t ibang kategorya.

Ayon kay Prof Gonzales, nagpadala sila ng imbitasyon sa opisina ng Viva at kaya sila tumawag para sa kumpirmasyon ng pagdalo ni Sarah Geronimo sa Gawad Pasado na gaganapin sa Rembrant Hotel sa Marso 30, 2011.

Ipinasa sila ng nakausap sa telepono sa handler ng mang-aawit na nagngangalang Chai.  Ramdam agad ang walang kagana-ganang pakipag-usap sa kanila at gusto ng nasa kabilang linya na tapusin agad ang kanilang pag-uusap.

Ayon umano kay Chai, hindi dumadalo si Sarah sa okasyong katulad ng Gawad Pasado pero kung manalo man si Sarah ay ipadala na lang sa kanilang opisina ang tropeo.

Hindi napigilan ang pagsama ng loob ng aming kausap na guro dahil ang inaasahan ay magpapadala na representative para tatanggap ng parangal kung mayroon nga itong prior commitment na kasabay ng nasabing okasyon ng Pasado.

Para sa kanya, on behalf ng mga kasamahan nito sa Pasado hindi nabigyan ng pagpapahalaga ang kanilang pagod sa pagpili sa mang-aawit para bigyan parangal bilang Pinakapasadong Kabataang Artista.

Malaki ang pagpapahalaga nila kay Sarah at para sa kanila ay  isang role model ng mga kabataan ang mang-aawit lalo na ng mga estudyante.  Hanga sila sa dedikasyon nito na kahit kaliwa’t kanan ang kanyang ginagawa ay nabibigyan pa rin nito ng panahon ang kanyang pag-aaral.

Kaya nga naisip nilang mga guro ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad na tamang panahon na bigyan-parangal si Sarah dahil katatapos lang nito ng kanyang pag-aaral sa high school.

Para sa kanila, isang inspirasyon sa mga estudyante ang ginawang pagpursige ng mang-aawit para makapagtapos.  Ang kanilang pagpili sa mang-aawit ay naka-base sa pagkagusto sa kanya ng mga estudyante maliban sa karamihan ng mga guro ay gusto rin siya.

Dahil sa pangyayari, agad silang nagkaroon ng emergency meeting at napagdesisyunang huwag nang banggitin ang parangal na nakalaan sa mang-aawit para hindi mabakante ang daloy ng programa.  Hindi naman ito nangangahulugang may ipapalit sila sa mang-aawit dahil para sa kanila, si Sarah para rin ang karapat-dapat na mabigyan ng nasabing parangal.

Ang ipinagtataka lamang ng aming kausap ay bakit gan’un ang natanggap nilang pamamaraan na pakikipag-usap sa kanila ng nasabing handler.  Katunayan ay maraming mga nominado artista ang nagkumpirmang dadalo maliban lamang kay Sarah.

Ayon kay Prof. Gonzales, malalaking artista ang dumalo sa kanilang Gawad Pasado noong nakaraang taon na ginanap sa Quezon City Sports Complex.  Dumating sina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, Zaijan Jaranillo, Janice de Belen, Ms Gloria Romero, Roderick Paulate at iba pang mga nominado.

Kaya nga sa pagkakataong ito ay medyo sesente ang mga guro dahil sa hindi pagbigay halaga sa kanilang effort na ang gusto lamang nilang mangyari ay mabigyan ng parangal sa mga artsitang karapat-dapat mairekomenda sa kanilang mga estudyante na panoorin ang mga pelikula ng mga artistang pinarangalan.

Inamin nilang wala silang perang kinikita dito kundi isa itong advocacy para bigyan-pagpapahalaga ang sining-pelikula. Paraan ito para mamili ng mga pelikulang karapat-dapat panoorin ng kanilang mga estudyante dahil sa aral na maibibigay ng pelikula.  Alex Datu

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply