Hoarding ng langis posible

PINANGANGAMBAHANG magkakaroon ng hoarding ng langis sa bansa para lalo pang tumaas ang presyo nito kasunod ng panibagong pagtaas kaninang hatinggabi na umabot sa P1 kada litro.

Ito ay makaraang payuhan kahapon ng Department of Energy ang mga oil company na mag-imbak ng kanilang produktong petrolyo at maghiraman kung kinakailangan.

Nabatid na pinadaragdagan din ng DOE sa mga oil firm ang inaangkat nilang langis para matiyak na may sapat na suplay ng petrolyo ang bansa.

Ayon kay Oil Industry Management Bureau Dir. Zeny Monsada, dapat tumagal ng hanggang isang buwan ang suplay ng oil firms na may oil refinery sa bansa tulad ng Shell at Petron.

Habang ang ibang kompanya ng langis na direktang nag-aangkat ng finish product sa ibang bansa ay dapat magkaroon ng imbentaryong tatagal ng hanggang 15 araw.

Pinayuhan naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang administrasyong Aquino na ipahalungkat na sa Commission on Audit ang libro ng mga kompanya ng langis sa bansa para maberipika kung may overpricing sa presyo ng gasolina, diesel at iba pang produktong petrolyo.

Ayon kay Cayetano, ito lang ang paraan para malaman kung nagsasamantala ang mga kompanya ng langis sa nagaganap na krisis sa Gitnang Silangan.

Nagpaliwang naman agad ang Pilipinas Shell sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo kung saan pinakahuli ang P1 oil price hike.

Ayon kay Pilipinas Shell Spokesman Roberto Kanapi, ipinatutupad lang nila kung ano ang nagri-reflect sa presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Samantala, sinabi ng mga grupong Gabriela, Pamalakaya at Kilusang Mayo Uno na responsibilidad ng gobyerno na protektahan ang taumbayan sa pamamagitan ng ‘di pagpabor sa mga kompanya ng langis.

Kaugnay nito, sinabi ni Communications Development and Strategic Planning Secretary Ric Carandang na ipinag-utos na ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagtatatag ng inter-agency committee bilang paghahanda sa napipintong krisis sa langis.

Ayon naman kay DOE Sec. Jose Almendras malabo na talagang ibasura ng pamahalaan ang  oil deregulation law.– J Arasga,Amor Virata, Kris Jose

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply