Huling pelikula ni Paquito Diaz hirap ipalabas

GUMAGAWA ng paraan ang grupo ni Vic Belaro, ang opisyal ng pulis na direktor at artista para maipalabas ang huling pelikula ng namayapang dakilang kontrabida na si Paquito Diaz.

Namomroblema kasi ang produksyon ni Felix Cantal, ang namuhunan sa pelikulang “Sharup” na pinagbibidahan ni Paquito katambal si Keanna Reeves dahil sa kulang pa ang print ng obra para maitanghal sa mga sinehan.

Ayon sa beteranong peryodistang pampelikula na si Rudy de la Peña, nasaid na ang budget ni Felix para sa karagdagang print o rolyo ng kopya ng pelikula dahil nga sa kakapusan ng pundo para rito.

Hindi digital ang pelikula ni Vic na siyang nagdirek ng pelikula kundi 35mm, ang nakasanayang tradisyunal na paggamit ng celluloid o negatibo sa shooting.

*****

Nais ng kumpanya ni Cantal na maging tribute ito kay Diaz para naman kahit na sa mga huling sandali ng buhay ni Mang Kits ay showbiz pa rin ang ipinintig ng puso nito.

Kaya walang tigil si Belaro sa paghahanap ng mga tutustos sa pagpapaimprinta at pagsasalin sa iba pang kopya ng orihinal na materyal para makaraos.

Malaki ang magagawa ni Keanna sa puntong ito dahil may puwersa na rin siya sa showbiz at ang kanyang pangalan ay makapagpapabalong ng grasya sa produksyon alang-alang sa kaluluwa ni Paquito.

Isa itong ginintuang hakbang para sa pagbibigay-pugay sa nagawa ni Kits sa industriya ng pelikulang lokal.

*****

Pinaglalamayan na ngayon si Diaz sa Funeraria Paz sa Manila Memorial Park sa Parañaque mula nang iuwi ang kanyang mga labi galing sa Daraga, Albay kung saan siya matagal na namahinga at lumanghap ng sariwang hangin.

Bago nito ay nagawa pa niya ang pelikula kasama si Reeves.

Ang gusto ni Paquito ay gumawa pa ng pelikula at miss na miss niya si Fernando Poe, Jr. pero ngayon ay magkasama na sa dako pa roon ang magkaibigang matalik sa pribadong buhay pero magkaaway sa pelikula.

Ayon kay Korina Sanchez, lalong sumama ang pakiramdam ni Kits nang mamatay si FPJ at mula noon ay lagi na lang itong inaatake sa puso at tumataas ang presyon.

*****

Isa si Zeny Marcelo-Poe, ang balo ni Conrad Poe, sa mga nakikiramay sa pagyao ni Diaz.

Malapit ang namatay kay Zeny dahil magkabarkada ito at si Conrad.

“Hindi naman sa pag-aano, mahal na mahal ng pamilya si Kits at kahit anong mangyari, basta, naghirap siya pero mabuti na rin ‘yong ganyan,” pahayag ni Marcelo-Poe na damang-dama ang pangungulila ni Nena Gutierrez, ang biyuda ni Kits, dahil siya man ay dumanas ng siphayo sa pagkawala ni Conrad.

“Pero alam ko, matatag ‘yang si Nena, kayang-kaya niya ‘yan. At least, may mga anak sila na magtataguyod sa kanya. Mabuti rin at dinala nila rito sa Maynila ang bangkay ni Paquito. Marami siyang kaibigan na gustong makita siya sa huling pagkakataon,” sabi pa ni Zeny.

*****

Isa na namang panahon sa larangan ng pelikula ang nagwakas sa kamatayan ni Paquito dahil siya ay isa sa mga pamantayan kung ano ang ibig sabihin ng kontrabida sa puting tabing bagamat marami pang aalsa at susulpot na klase ng kontrabida.

Kumukonti man ang 35mm, may mga kontrabida rin ang digital film sa kasalukuyang henerasyon at ito ngayon ang humuhulma ng kahulugan ng kontrabida sa istorya at takbo ng kasaysayan.

Hindi man karaniwang goons o maaaskad na mukha ang kontrabida ngayon kundi ang bida mismo ay kontrabida anuman ang taas o rangya ng kanyang posisyon sa lipunang kanyang ginagalawan.

Kahit guwapo o maganda ay kontrabida.

Isa ito sa mga ebolusyon ng pelikulang Filipino. Boy Villasanta

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply